Re-electionist Mayor, pinatay sa campaign rally sa Cagayan
Region 2RIZAL, Cagayan – Nagsasagawa ngayon ng hot pursuit operations ang pulisya sa mga suspek na pumaslang kay Re-electionist Mayor Atty.Joel Ruma habang ito ay nagsasagawa ng campaign rally noong gabi ng Abril 23 sa Barangay Iluru, Rizal, Cagayan. “Mariin naming kinokondena ang karahasang ito, lalo na sa panahong tayo ay naghahanda para sa mapayapang halalan 2025. Hindi kami titigil hangga’t hindi namin naibibigay ang hustisya para sa mga biktima. Nananawagan kami sa publiko na makipagtulungan sa imbestigasyon sa pamamagitan ng pagbabahagi ng anumang impormasyon na makakatulong sa kaso,” pahayag ni PBrig.Gen.Antonio Marallag,Jr., regional director ng Police Regional Office 2. Inilatag din ng kapalusan ngayon ang High Risk Checkpoints sa mga istratihikong lugar sa lalawigan ng Cagayan, upang mabantayan ang mga lansangan na posibleng daanan ng tumakas na mga suspek. Sa inisyal na imbestigasyon, dakong alas 9:30 ng gabi nang pagbabarilin ng di-pa nakikilalang suspek si Mayor Ramu sa loob ng gymnasium ng Barangay Iluru sa naturang bayan. Ang biktima ay agarang isunugod sa Tuao District Hospital subalit binawian ng buhay habang nilalapatan ng agarang lunas ng mga doktor. Nagtamo ng isang tama ng bala sa katawan ang alkalde na nagdulot ng kaniyang kamatayan. Kaugnay nito, may dalawa pang indibidwal ang nadamay sa pamamaril na sina Merson Abiguebel at Melanie Talay na pawang sugatan. Kasalukuyan ang masinsinang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang mga nasa likuran ng krimen at motibo nito. Sina Mayor Ruma at kabiyak nito na si Atty. Brenda Ruma ay kapwa muling tumatakbo bilang alkalde at bise alkalde ngayon May 2025 local elections. Matatandaang ang bayan ng Rizal, Cagayan ay palagian na nasa tala ng karahasan sa tuwing may halalan.










