Dating NPA Regional top most wanted, sumuko sa pulisya
Region 2MADDELA, Quirino — Kusang sumuko sa mga pinagsanib na pwersa ng kapulisan at kasundaluhan ang isang dating high-ranking official ng New People’s Army sa Barangay San Dionisio I, Maddela, Quirino. Kinilala ito na si Alyas “Benson”, 42 anyos, may asawa, residente ng nasabing bayan, at dating Platoon Leader at Intelligence Officer ng Platoon Remo sa ilalim ng Komiteng Probinsiya ng Isabela (KOMPROB Isabela) ng Komiteng Rehiyon Cagayan Valley. Ayon sa ulat, ang sumukong rebelde ay itinuturing din bilang regional top one most wanted person dahil sa mga kinahaharap nitong kaso na kinabibilangan ng murder, attempted murder, attempted homicide, at direct assault. Kaugnay nito, kasabay ng kanyang pagbabalik-loob ay isinuko rin nito ang ilang armas at pampasabog sa mga awtoridad. Bagama’t idineklara nang insurgency-free ang buong Rehiyon Dos ay patuloy pa ring pinaiigting ng pamahalaan ang kampanya laban sa insurhensiya upang tuluyang mapanatili ang katahimikan at maiwasan ang muling pag-usbong ng armadong grupo sa rehiyon. Samantala, patuloy na isinusulong ni Gobernador Edgar “Manong Egay” Aglipay, bilang Chairperson ng Regional Peace and Order Council (RPOC) ang patuloy koordinasyon ng mga LGU, pulisya, at militar upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa rehiyon kasunod ng deklarasyon na insurgency-free na ang Cagayan Valley. (Cagayan Information Office)