Street Journal Multimedia Services

2,367 dengue case naitala sa loob ng 8 buwan sa Cagayan

CAGAYAN, Philippines — Muling nanawagan ang Provincial Health Office (PHO) ng Cagayan para sa mahigpit na pagpapatupad ng 5S strategy laban sa dengue matapos sumirit sa 2,367 ang naitalang kaso sa lalawigan mula Enero hanggang Agosto 27, 2025.

Batay sa datos ng PHO, ang bayan ng Baggao ang may pinakamaraming kaso na umabot sa 325, sinundan ng Solana na may 236, at Aparri na may 163. Sa Tuguegarao City, bahagyang tumaas ang kaso sa 144, nguni’t nananatiling kontrolado ayon sa PHO dahil sa pagpapatupad ng mga kaukulang hakbang.

Paliwanag ng PHO, ang tag-ulan at ang kakulangan sa regular na pagpapatupad ng 4 o’clock habit o clean-up drive ang pangunahing dahilan ng pagtaas ng kaso. Sa isinagawang monitoring ng PHO, ilang barangay ang natukoy na may mga breeding site ng lamok.

Dahil dito, muling ipinaalala ng PHO sa mga Cagayano ang kahalagahan ng 5S strategy:

  • Search and destroy – tuklasin at alisin ang mga lugar na posibleng pamugaran ng lamok.
  • Self-protection – gumamit ng proteksyon laban sa kagat ng lamok.
  • Seek early consultation – agad na magpakonsulta sa doktor kung may sintomas ng dengue.
  • Support fogging and spraying – makiisa sa isinasagawang fogging at spraying sa mga lugar na mataas ang kaso.
  • Sustain hydration – panatilihing hydrated ang katawan upang maiwasan ang dehydration dulot ng sakit.

Nanawagan din ang PHO sa lahat ng barangay officials na mas paigtingin ang community clean-up drive upang mapigil ang lalo pang pagdami ng kaso. (JOVY ANDRES)

 

 

 

Scroll to Top