Pinoy cop nanguna sa Interpol Exchange Program sa Abu Dhabi
Region 5CAMARINES SUR, Philippines – Ipinagmamalaki ngayon ng Philippine National Police si Police Major Inar Vic Florence, ng Camarines Sur Provincial Police Office, sa pagiging Top 1 Honors sa International Police Exchange Program na ginanap sa Abu Dhabi Police College, sa ilalim ng United Arab Emirates–Ministry of Interior (UAE-MOI), noong Enero 29. Sa 52 kalahok mula sa 35 bansa, si Florence ang kinilala sa kanyang natatanging pagganap at propesyonalismo sa buong programa. Sa naganap na graduation ceremony, na dinaluhan ng mga matataas na opisyal ng UAE, kabilang sina His Highness Sheikh Khaled bin Mohamed bin Zayed Al Nahyan, Crown Prince ng Abu Dhabi, at His Highness Sheikh Saif bin Zayed Al Nahyan, Deputy Prime Minister at Minister of Interior, si Florence ay umani ng papuri sa kanyang natatanging kagalingan. Ang International Police Exchange Program ay isang Level 4 post-secondary qualification sa Advanced Police Science na naglalayong paunlarin ang kaalaman, kasanayan, at kakayahan sa pamumuno ng mga kalahok, partikular sa modernong policing at pandaigdigang kooperasyon sa pagpapatupad ng batas. Ang tagumpay ni Florence ay patunay ng patuloy na pagkilala sa kakayahan ng mga Pilipinong Pulis at ng kanilang mahalagang papel sa pagpapalakas ng internasyonal na kooperasyon sa larangan ng kapayapaan at seguridad. Source: Camarines Sur Police Provincial Office










