Sandata sa Pag-unlad: FDS Care kits ng mga 4Ps Angels in Red Vest sa Kordilyera
CARCORDILLERA REGION, Philippines — “Malakas at klarong boses ang sandata sa pagsasagawa ng Family Development Sessions (FDS) upang maibahagi ng maayos ang mga mahahalagang kaalaman at impormasyon sa mga benepisyaryo.” Ito ang wika ni Merietta S. Ognayon, City Link (CL) ng City Operations Office – Baguio City sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development – Field Office – Cordillera Administrative Region (DSWD FO CAR) tungkol sa natanggap nilang mga bagong hanay ng mga FDS kits kamakailan lang. “Malaking tulong ang paggamit ng lapel microphone upang ito ay makamit. Kung noon, namamaos kaming mga tagapagtalakay pagkatapos ng FDS, hindi na ngayon sapagkat modulated na kapag kami ay nagtatalakay,” dagdag ni Ms. Ognayon. Para kay Delma C. Barino, ML ng Lagayan, Abra, lubos na nakatulong ang FDS kits, kabilang ang lapel, para mapag-igihan nila ang pangunana ng FDS. “Malakas na ang boses at abot na sa likod ng silid at maging sa open area venue, nakukuha ang atensyon ng mga benepisyaryo at tinitiyak nito na makikinig talaga sila,” sabi ni Ms. Barino. Kasama sila sa kabuuang 177 na City/Municipal Links (C/MLs) na nakatanggap na ng kani-kanilang FDS kits sa rehiyon upang magamit sa kanilang buwanang FDS – isa sa pinakamahalagang bahagi ng programa. Bitbit ang mga kagamitan at kaalaman para magsagawa ng FDS kasama ang mga benepisyaryo ng 4Ps malaking papel ang ginampanan ng mga C/MLs ng 4Ps sa buong CAR para sa pag-unlad ng mga pamilya sa ilalim ng programa. Ang FDS ay plataporma upang maturuan ang mga pamilya ukol sa wastong pagpapalaki ng anak, kalusugan, kabuhayan, at responsableng pag-aaral. Ang mga FDS Care Kits ay magsisilbing standard tools ng mga field workers. Naglalaman ito ng mahahalagang kagamitan tulad ng correction tape, ballpen, payong, colored paper, masking tape, markers, bond paper, manila paper, at lapel. Sa tulong ng kit na ito, mas magiging organisado at epektibo ang mga talakayan, at mas mapapalakas ang kakayahan ng mga C/MLs na magbigay ng maagap at mapagkalinga na serbisyo sa mga benepisyaryo. Dala ng FDS Care Kits ang tatak ng pag-unlad—kaalaman, gabay, at suporta. Kaagapay ang mga C/MLs, ang programang 4Ps ay patuloy na kumikilos upang gawing realidad ang pagbabagong ito. (DSWD-CAR Release)










