By Jayson de Lemon-CamSur-PIO
LEGAZPI CITY — Limang parangal ang naiuwi ng Camarines Norte Provincial Tourism Operations Office sa BICOL TOURISM STARS: RECOGNITION & CELEBRATION NIGHT 2024, na ginanap sa La Venezia Hotel, Legazpi City, noong Disyembre 13.
Ang okasyon ay bahagi ng Year-Ender Recognition Activity ng Department of Tourism (DOT) โ V, ngayong taon.
Kinatawanan ni Tourism Operations Officer II si Ms. Genelyn David ang tanggapan ng turismo ng Camarines Norte sa nasabing gabi ng pagkilala.
Ang mga parangal ay ibinigay bilang pagkilala sa kanilang natatanging pagganap at malaking ambag sa industriya ng turismo sa buong rehiyon ng Bicol.
Narito ang mga parangal na natanggap ng Camarines Norte:
- Leading Province in Local Tourism Development Planning 2024
- Statistical Progress Achievement 2024 (Provincial Level)
- Most Active Province Participating in Travel and Trade Fairs for CY 2024
Bukod dito, ang mga munisipyo ng Daet at Basud, na kinatawanan ng kanilang mga Municipal Tourism Officers na sina Jocelyn Cruz-Sarical (Daet) at Ariane Rodrigueza (Basud), ay tumanggap ng Certificate of Recognition, dahil sa kanilang naaprubahang Local Tourism Development Plan o LTDP.
Ang LTDP ay mahalaga para sa patuloy na paglago ng turismo at ang positibong epekto nito sa ekonomiya sa susunod na mga taon.
Nakakuha rin ng indibidwal na pagkilala ang dating Provincial Tourism Operations Officer na siMariano “Bong” Palma kung saan iginawad sa kanya ang Dedication and Service Excellence Award.
Ipinahayag ng Camarines Norte Provincial Tourism Office ang kanilang taos-pusong pasasalamat sa DOT Region V, sa pangunguna ni RD Herbie Aguas at ARD Maria Salee Mora, sa lahat ng mga parangal.
Nagpasalamat din sila sa 12 Municipal LGUs & Municipal Tourism Officers, Provincial Government of Camarines Norte sa pangunguna ni Gov. Dong Padilla, Vice Governor Engr. Joseph Villaverde Ascutia, Sangguniang Panlalawigan Board Members, at higit sa lahat, sa mga Tourism Stakeholders para sa kanilang patuloy na suporta.
Patuloy na magsisikap ang tanggapan ng turismo ng Camarines Norte para sa ikabubuti ng kanilang minamahal na probinsya.
Photo Courtesy: Cam Norte Provincial Tourism Office