By Badz Heralde
CPIO
TUGUEGARAO CITY — Pinangunahan ni Senator Mark Villar kasama si Gov. Manuel Mamba ang pamamahagi ng tulong pinansiyal sa mga barangay official sa lungsod ng Tuguegarao, noong Lunes, Hulyo 15.
Nabigyan ng tig-P1,000 ang nasa 864 na Punong Barangay, Secretary, Treasurer, Barangay Kagawad, Health Worker, at Nutrition Scholars mula sa lungsod ng Tuguegarao.
Ang pondo ay tulong ng Senador at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga barangay official.
Ito ay paunang bilang sa kabuuang 14,781 na aasahang makatatanggap ng nasabing tulong.
Sa panayam kay Sen. Villar, sinabi niyang hindi lamang ito ang maibababang tulong sa Cagayan dahil aasahang tutulong ito upang maging “Premier Province” ang lalawigan.
Aniya, aalamin ng kanyang tanggapan kung ano pa ang maaring maitulong bukod sa imprastraktura at social services.
Ipinangako rin ng Senador na ginagawang prayoridad ng kanyang opisina ang anumang hiling para sa ikauunlad ng Cagayan.
“Una po gusto kong malaman kung ano yung kailangan, kung ano yung mga proyekto at ayuda na kailangan sa Cagayan. Alam niyo naman po yung pamilya ng asawa ko, ang biyenan ko po ay dito sa Cagayan, gusto ko pong makasama ang mga Cagayano para malaman pa ang pangangailangan sa lahat, sa imprastraktura, sa social services para maasikaso ko sa national government pagbalik ko sa Senado. First priority lahat ng request ng Cagayan, yan ang commitment ko,” pahayag ng Senador.
Upang maging premiere province aniya ang Cagayan, kanyang hiniling sa mga barangay officials na suportahan ang “One Cagayan” movement na isinusulong ng kanyang biyenan na si Ret. General Edgar “Manong Egay” Aglipay na may layuning pagkaisahin ang mga lider ng Cagayan para sa iisang adhikaing mapaunlad ang lalawigan.
“Naniniwala po ako sa layunin ng One Cagayan movement led by my father-in-law; kaya po sana suportahan natin ang One Cagayan. Ang One Cagayan ang maghahatid ng tunay na kaunlaran. Ito na po ang pagkakataon nating magtrabaho upang maging premiere province muli ang Cagayan. Gusto ko lang sabihin sa inyo na ako po ay committed sa Cagayan. Mayroon na po kaming bahay dito ng asawa ko [Emelyn Aglipay-Villar]. Kung kailangan pabalik-balik, linggo-linggo ako dito sa Cagayan para siguraduhin na makakarating ang lahat ng tulong,” pahayag pa ng Senador.
Si Senator Villar ay adopted son of Cagayan na siyang nasa likod ng itinayong Abusag bridge sa bayan ng Baggao at Camalanuigan-Aparri bridge noong siya pa ang kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Kaugnay rito, hinimok naman ni Gov. Mamba ang mga barangay official na maging instrumento sa tamang pagpili ng lider ngayong nalalapit na 2025 midterm election.
Kanyang ipinabatid na kung kailangang maging partisan ay para doon sa mayroong mabuting intensyon at hindi sa pansariling interes.
Ito rin aniya ang dahilan kung bakit pinili niya si “Manong Egay” na i-endorso upang maging susunod na Gobernador ng Cagayan.
“Kaya si Manong Egay ang pinili ko; he knows the direction; he knows that there is hope for every Cagayano. I hope you see this. Kayo sa barangay huwag naman pera-pera lang. Hindi pwedeng sinosolo natin ito, kailangan natin si Villar, si Aglipay, hindi pwedeng sinosolo natin ito because we have bigger plans not for ourselves but for our children. Ngayon, let us be partisan for what is best,” paglalahad ng Gobernador.
Muli rin niyang ibahagi ang kanyang pagnanais na muling maging tanyag ang Cagayan katulad noon.
“Cagayan has always been the premiere province. Ang Aparri ay kilala na sa buong Pilipinas. We were the center of education, religion, of government but through the years nagsara ang ating port, kami na ang pinakamahirap because we are the farthest sa market, sa Manila. Papayag na ba tayo na ganito nalang tayo. Ito po ang pianglalaban natin, kulang po si Gov. Manuel Mamba. We could be better. Pakiusap ko lang let us be together, tama na yung presyo-presyo, let us plan out for the next generation,” pagtatapos ni Gov. Mamba.
Samantala, personal namang nagpasalamat si Ret.General Aglipay sa kanyang manugang sa tulong na ibinaba sa Cagayan. Kanya ring tiniyak na sa pamamagitan ng kanyang “One Cagayan” ay mas lalo pang madarama ng mga Cagayano ang progreso.
Dumalo rin sa distribusyon ang Unang Ginang ng lalawigan na si Atty. Mabel Villarica-Mamba, Provincial Administrator Atty. Maria Rosario Mamba-Villaflor, Mayor Maila Ting-Que, dating Congressman ng Tuguegarao na si Randy Ting, iba’t ibang alkalde at lokal na opisyal ng mga local government unit, kawani ng Provincial Office for People Empowerment (POPE), at DSWD.