Street Journal Multimedia Services

2 kidnappers arestado sa Nueva Vizcaya

Camp Marcelo A Adduru, Tuguegarao City, Cagayan- Dalawang suspek na umano’y sangkot sa kidnapping incident ang naaresto ng mga tauhan ng Nueva Vizcaya Provincial Police Office at Anti-Kidnapping Group sa bayan ng Bayombong, Nueva Vizcaya ngayong araw Enero 24.

Tinukoy ng PNP ang dalawang suspek na sina alyas Johan, 30 taong gulang, walang asawa, AWOL Police Officer na may ranggong Patrolman; at alyas Fero, 36 taong gulang, walang asawa, at magsasaka.

Ayon sa report na inilabas ng NVPPO, nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga kapulisan ng NVPPO at PNP Anti-Kidnapping Group na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga nabanggit na suspek.

Ang mga suspek ay sangkot umano sa mga insidente ng kidnapping sa Pangasinan na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanilang isang kasama, sa Sitio Gurel, Barangay Poblacion, Bokod, Benguet.

Nakumpiska ng mga otoridad sa mga suspek ang isang unit ng Galil firearm na may serial number na 48172091 at dalawang magazines na may 29 live ammunitions; isang unit na Taurus short firearm na may 29 live ammunitions at tatlong magazines; assorted PNP uniforms; dalawang pirasong PNP Id; at isang unit ng gray Toyota HiAce Van, na may plakang UQQ 805.

Ang mga suspek ay kakasuhan ng paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Omnibus Election Code o gun ban.

Pinuri ni PRO2 regional director Brig.Gen Antonio Marallag,Jr., ang mga kapulisan at operatiba sa matagumpay na operasyon.

“Magsilbi sana itong babala sa mga nais pang magtangkang gumawa ng krimen sa Lambak ng Cagayan. Habang nalalapit ang halalan titiyakin nating mananatiling ligtas, payapa, at maayos ang ating rehiyon alinsunod sa mandato ng COMELEC” dagdag ni Marallag.

 

 

Scroll to Top