By Digna Bingayen-Cagayan PIO
Naghain na ng kani-kanilang Certificate of Candidacy (COC) ang team “One Cagayan”
sa Commission on Elections (COMELEC)-Cagayan, ngayong Lunes, Oktubre 07, 2024.
Nanguna sa paghahain si Retired Gen. Edgar “Manong Egay” Aglipay na siyang tatakbo bilang Gobernador sa probinsiya kasama ang kanyang maybahay na si Marinette Yan-Aglipay.
Magiging katuwang ni Manong Egay si Governor Manuel Mamba na tatakbo naman sa pagka-bise gobernador.
Sa naging pahayag ni Manong Egay, ang kanyang uunahin ay ang paglalaan pondo sa mga mangingisda at magsasaka dahil ang ibang sektor ay nagawa na ni Gov. Mamba.
“Kung mapapansin natin ay nagawa na niya [Gov. Mamba] lahat, nakita natin na papunta na ang Cagayan sa mas mataas na lebel ng progreso, kaya kailangan natin tulungan ang mga mannalon at mangngalap.”
Sinabi naman ni Gov. Mamba na pagtutulungan nila ni Manong Egay para matupad ang progreso na pangarap ng bawat Cagayano at magkaroon ng koneksyon sa buong mundo.
“Ang pinakamaganda ay mahasa ang lahat ng galing ng mga Cagayano na nandito mismo sa Cagayan yan ang pangarap naming ni Manong Egay, to connect our province to the entire world thru the international seaport and international airport that we dream,” saad ni Gov. Mamba
Naghain din ng kanyang COC ang kasalukuyang alkalde sa bayan ng Lal-lo na si Florante “Anteng” Pascual sa pagkakongresista sa unang distrito.
Sa pangalawang distrito ay tatakbo rin bilang Congressman si Mayor Harry Florida ng Allacapan at si Randy Ting naman sa ikatlong distrito.
Sa Board Member ay naghain din kanilang COC sina Atty. Romeo Garcia at ang dating alkalde ng Baggao na si Joan Dunuan sa unang distrito; Lalaine Opeña ng pangalawang distrito habang sa ikatlong distrito ay sina Engelbert “Jojo” Caronan, Pearlita Mabasa, Raymund Guzman, at Romar De Asis.
Personal namang sinaksihan nina Atty. Mabel Villarica-Mamba, Unang Ginang ng Cagayan; Allacapan Vice Mayor Yvonne Florida, Provincial Administrator Atty. Ma. Rosario Mamba-Villaflor; Vice Mayor Olive Pascual ng Lal-lo at mga supporter ng One Cagayan ang kanilang paghahain ng kanilang kandidatura.