By Rachell Galamay-Cagayan PIO
Idineklara ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang Nobyembre 04, bilang National Mourning Day upang alalahanin ang mga nasawing biktima ng pananalasa ng bagyong ‘Kristine’.
Ito ay batay sa Proclamation No. 728 na inilabas ng Malacañang Palace, kung saan hinimok ng Pangulo ang mamamayang Pilipino sa bansa na ipagdasal, bigyang paggalang, at pakikiramay ang mga nasawi bunsod ng malawakang pagbaha at pag-uulang dala ng bagyong ‘Kristine’ noong Oktubre 21 hanggang 25.
Ipinag-utos din ng Pangulo sa lahat ng opisina at tanggapan ng gobyerno na isagawa ang paglalagay ng watawat sa ‘half-mast’ alinsunod sa Republic Act No. 8491 o Flag and Heraldic Code of the Philippines bilang tanda ng pakikiramay at pagpupugay.
Sa pinakahuling pagtataya ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC),umabot na sa mahigit 7 milyong mamamayang Pilipino ang naapektuhan ng bagyo, 139 dito ang nasawi.
Bukod dito, iniulat din ng Department of Agriculture (DA) na umabot na sa P3.11-B ang natamong pinsala sa sektor ng agrikultura dahil sa bagyo.