By Rachell Galamay-Cagayan PIO
Nakatakdang ipatupad ng Department of Education (DepEd) ngayong Nobyembre ang Dynamic Learning Program sa mga paaralan na matinding naapektuhan dahil sa pananalasa ng mga nagdaang kalamidad.
Ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara, layunin ng bagong programa na matugunan ang pagkaantala sa pag-aaral ng mga estudyante sa pamamagitan ng pagsasagawa ng make-up classes, paggamit ng simple at targeted activity sheets, at pagbuo ng temporary learning spaces.
Bukod dito, maaari ring magsagawa ang mga apektadong paaralan ng parallel classes, activity-based learning, at minimal homework load na ibibigay sa mga estudyante.
Sisimulan ang pilot implementation ng Dynamic Learning Program (DLP) sa mga paaralan na matinding naapektuhan ng kalamidad partikular na sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Bicol, at Cordillera Administrative Region (CAR).
Sa pinakahuling datos ng naturang ahensiya nasa halos 3.97 milyong mag-aaral at 181,270 teaching at non-teaching staff mula sa 10,947 paaralan ang apektado sa suspensyon ng klase noong nagdaang bagyo.
Aabot na rin sa higit P396-milyon ang kinakailangang pondo para sa pagsasaayos ng mga nasirang imprastruktura, kabilang na rito ang 113 totally destroyed classrooms at 227 na partially destroyed, kasama na ang mga nasirang palikuran, wash facilities, at kagamitan.