Street Journal Multimedia Services

Aurora province nakiisa sa Rescuelympics La Niña challenge ng OCD Region 3 sa Bulacan

Sa pamamahala ng Pamahalaang Panlalawigan ng Aurora, nakiisa ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa ginanap na Rescuelympics La Niña Challenge (LNC) ng Office of Civil Defense (OCD) Region 3 nitong Martes, Hulyo 2, 2024 sa San Rafael River Adventure, San Rafael, Bulacan.

Ang National Disaster Resilience Month 2024 ay may temang “𝘉𝘢𝘯𝘵𝘢𝘺𝘰𝘨 𝘯𝘨 𝘒𝘢𝘵𝘢𝘵𝘢𝘨𝘢𝘯 𝘢𝘵 𝘢𝘯𝘨 𝘗𝘢𝘨𝘣𝘶𝘣𝘶𝘬𝘭𝘰𝘥 𝘴𝘢 𝘓𝘢𝘺𝘶𝘯𝘪𝘯𝘨 𝘒𝘢𝘩𝘢𝘯𝘥𝘢𝘢𝘯” kung saan isinagawa naman sa pangunguna ng OCD3 ang Rescuelympics La Niña Challenge (LNC).

Bukod sa mga local disaster risk reduction management offices sa Aurora, nakasama din ang mga lalawigan ng Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, at Tarlac sa aktibidad na may tatlong kategorya: Water Search and Rescue (WASAR), Mountain Search and Rescue (MOSAR), at Mass Casualty Incident (MCI) Management.

Ayon kay Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) Region 3 Chairperson at OCD3 Regional Director Amador V. Corpus, ang LNC ay isang testamento ng walang humpay na dedikasyon at pasyon ng mga Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Offices at local rescue teams upang matiyak ang kaligtasan ng kanilang mga komunidad.

Ayon pa kay Corpus, ang aktibidad ay hindi lamang sa magandang pagsasama-sama bagkus ay naipapakita ang kanilang mga kakayahan pagdating sa mga emergency scenarios.

Sa nasabing aktibidad, nasungkit ng lalawigan ng Bulacan ang best in MOSAR samantalang ang team ng Palayan City, Nueva Ecija ay napanalunan ang WASAR category. Nakuha naman ng team ng Pampanga ang best in MCI Management.

Idineklarang overall champion ang Pampanga na sinundan ng lalawigan ng Aurora, Bulacan, at Tarlac.

Nabatid na ang mga naging evaluators ng aktibidad ay mula sa Philippine Army, Philippine Coast Guard at Central Luzon Center for Health Development (CLCHD).

Pinuri ng mga naging hurado ang mga ipinakitang kakayahan ng lahat ng nakiisa at tinawag na local heroes.

 

 

Ang LNC ay isinagawa bilang suporta ng OCD3, lalawigan ng Bulacan at RDRRMC member agencies para sa observance ng NDRM. (By PG Aurora page)

Scroll to Top