Street Journal Multimedia Services

PGLU, namahagi ng 92 multi-purpose vehicles,2 dump truck

LA UNION, Philippines– Pinangunahan ni Governor Mario Eduardo C. Ortega at Vice Governor Eric O. Sibuma ang pormal na pamamahagi ng 92 Multi-Purpose Vehicles (MPVs) at dalawang dump trucks sa ginanap na Turnover Ceremony sa Speaker Pro Tempore Francisco I. Ortega Convention Center, San Fernando City, La Union, noong Abril 30.

Nasa 92 na barangay mula sa limang bayan sa La Union ang nakatanggap ng mga sasakyan kalakip ang emergency equipment na handog ng Provincial Government of La Union (PGLU).

Sa tulong ng mga makabagong kagamitan na ito, maaasahan na mas mapabubuti ng mga barangay ang paghahatid ng mga pangunahing serbisyo para sa mamamayan. Kabilang sa mga nabigyan ng MPVs ang 24 na barangay ng Aringay, 15 barangay sa San Gabriel, 11 barangay sa Santol, 24 barangay sa Santo Tomas, at 18 barangay sa Tubao.

Sa kanilang pagtanggap ng mga susi at opisyal na dokumento ng kanilang sasakyan, labis-labis ang pasasalamat ng mga alkalde ng mga bayan, maging ang mga punong barangay at mga kagawad ng recipient-barangays, sa tulong na ibinigay ng PGLU.

Samantalang, ipinagkaloob naman ang dalawang dump trucks sa Barangay Madayegdeg ng San Fernando City at sa Municipal Government ng San Juan.

Ipinabatid ni Gov. Mario na buo ang kanyang tiwala na ang mga nasabing sasakyan ay gagamitin ng mga barangay para sa pagbibigay ng mas mabilis at angkop na alalay para sa kanilang mga nasasakupan.

“Itong mga sasakyan na ito ay sumisimbolo sa ating pagkakaisa sa serbisyo publiko. Ito rin ay simbolo sa pagtupad ng ating mga pangako – dahil ito ang diwa ng ating serbisyo, ang ‘pudno nga agserbi,” pahayag ni Gov. Mario.

Buo din ang suporta ni Vice-Governor Sibuma sa mga barangay. Aniya, tiyak na magagamit ang mga sasakyan para sa kapakanan ng bawat miyembro ng komunidad.

Ang pagtanggap ng mga MPV ng mga punong barangay (PB) at mga kagawad ay sinaksihan ng kani-kanilang mga alkalde, na sina Aringay Mayor Benjamin Sibuma na nirepresenta ni Vice Mayor Charito Sibuma-Yu, San Gabriel Mayor Lany B. Carbonell kasama si Vice Mayor Ramolito A. Guinomma, Santol Mayor Maria Theresa Lynn Wailan-Senen kasama si dating Mayor Engr. Magno Wailan, Santo Tomas Mayor Severino C. Carbonell, at Tubao Mayor Jonalyn G. Fontanilla-Piayas. Samantala, ang mga dump truck naman ay tinanggap ni San Juan Mayor Mariquita P. Ortega na nipreresenta ni Vice Mayor Arturo P. Valdriz, at ang mga opisyales ng Brgy. Madayegyeg sa pamumuno ni Punong Barangay Rosalyn M. Tabac. Nakiisa rin sa programa sina First District Congressman Francisco Paolo Ortega V, at mga Board Members na sina Hon. Chary Nisce, Hon. Miguel Corleone Magsaysay, Hon. Gerard Ostrea, Hon. Aaron Kyle Pinzon, Hon. Jefferson Fernando, Hon. Teresita Garcia, Hon. Harold Dave Sibuma, Hon. Ramon Guio Ortega, Jr., at Hon. Joyce M. Abuan; at mga kawani ng PGLU sa pamumuno ni Provincial Administrator Ramon B. Torres.

 

 

 

Scroll to Top