By KJAbad, Albay PIO
LEGASPI CITY,Albay — Nakahanda na ang lokal na pamahalaan Albay sa nalalapit na balidasyon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa pagkamit ng Seal of Good Local Governance (SGLG) sa lalawigan, na magaganap sa Setyembre 10.
Nakatakdang dumating ang SGLG National Validators na sina LGOO V Francis Gabriel Juaton, at LGOO II Engr. Jeza Sumayod.
Ayon kay Gov. Grex Lagman, kumpiyansa siyang magbubunga ang lahat ng pagsusumikap ng bawat departamento at executive department para sa matagal ng hangaring ito lalo na ang pagbibigay ng maganda at dekalidad na serbisyo sa mga Albayano.
“The PGA’s relentless pursuit of its worthy goals in all areas in governance will soon bear fruit,” bahagi ng pahayag ni Gob. Lagman.
Ang SGLG na igina-gawad ng DILG, ay isa sa pinaka-hinahangad na parangal; dahil ang bawat lokal na pamahalaan sa buong bansa ay dumadaan sa mahigpit na pagsusuri ng mga validators base sa sampung pamantayang ibinigay ng ahensya.
Ang sampung pamantayan o criteria ay ang mga sumusunod: financial administration and sustainability, disaster preparedness, social protection and sensitivity, health compliance and responsiveness, sustainable education, business-friendliness and competitiveness, safety, peace and order, environmental management, tourism, heritage development, culture and arts, at ang youth development.
Maaalalang nnoong Agoste 7 ay ginanap ang Regional SGLG Summit na dinaluhan ng mga gobernador, alkalde at mga representante ng anim na probinsya sa rehiyong Bikol at inihayag ang kahandaan ng bawat lokal na pamahalaan sa pagtataguyod ng maayos at dekalidad na serbisyo publiko.