BALER, Aurora — Ipinamahagi ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) na pinamumunuan ni Abigail Paulino ang mga tseke na may kabuuang halaga na ₱455,000.00 sa 91 benepisyaryo ng livelihood at skills training assistance, na ginanap sa Provincial Capitol Grounds, Barangay Suklayin, Baler, Aurora, noong Hulyo 18.
Bahagi ito ng Provincial Sustainable Livelihood, Skills, and Employment Program ng PSWDO, isa sa mga programang itinataguyod ng Pamahalaang Panlalawigan ng Aurora, na naglalayong matulungang iangat ang kalagayan ng mga mamamayang nagnanais magkaroon ng munting kabuhayan.
Bilang kinatawan ni Governor Reynante A. Tolentino, nakasama si Aurora Memorial Hospital Chief Nurse Ryan “Yam” K. Tolentino ng mga kawani ng PSWDO sa pangunguna ng kanilang Planning Officer IV Ellen Olivar, sa pamamahagi ng tig-₱5,000.00 halaga ng tseke sa 64 na livelihood at 27 skills training beneficiaries mula sa Central Aurora na kinabibilangan ng mga bayan ng Baler, San Luis, Maria Aurora, at Dipaculao.
Dumalo din sa nasabing aktibidad si Bokal Menard Amansec at sinabi niyang kaisa siya ni Gov. Tolentino sa pagsisigurong naibibigay ng pamahalaang panlalawigan ang dapat na ibigay sa taong bayan.
Nagpahayag naman ng kagalakan at pasasalamat si Tatay Marcelino Nacino, isa sa mga tumanggap ng benepisyo sapagkat nabibigyan ng pansin ng pamahalaan ang mga tulad niyang kapos sa kabuhayan.