Street Journal Multimedia Services

Jeepney drivers sa Pampanga nagpasalamat sa dagdag-kabuhayan mula sa mga Cayetano

PAMPANGA– Daan-daang jeepney driver sa Pampanga ang nagkaroon ng pagkakataong madagdagan pa ang pang-araw-araw na kita matapos makatanggap ng saku-sakong bigas pangkabuhayan nitong linggo mula kina Senador Alan Peter at Pia Cayetano.

Muling binista ng ‘Bayanihan Caravan’ ang Angeles-San Fernando Jeepney Operators Drivers Association, Inc. (ASFERJODA) sa San Fernando City upang maghatid ng sako-sakong bigas sa ilalim ng Integrated Livelihood Program ng Department of Labor and Employment (DOLE), noong July 16, 2024.

Nagpasalamat si ASFERJODA President Manuel Liwanag sa natanggap na tulong ng asosasyon, na binubuo ng higit sa 600 tsuper at operator.

“Malaking bagay na naman ang dumating sa amin, y’ung pangkabuhayan na binigay sa amin. Paiikutin po namin at palalakihin ito,” pahayag niya.

Ayon sa treasurer ng asosasyon na si June Jimenez, ipamamahagi nila ang mga bigas sa mga miyembro para kanilang maibenta at pagkain na rin ng kanilang mga pamilya.

“Ibibigay namin ito sa kanila bilang pangkabuhayan sa maliit na interes lamang para makabawas sila sa kanilang gastusin,” ani Jimenez.

Kuwento ng pag-asa at tagumpay

Kabilang ang ASFERJODA sa mga benepisyaryo ng Presyo Trabaho Kita/Kaayusan (PTK), isang inisyatiba ng magkapatid na Cayetano kung saan nagbibigay sila ng puhunan sa mga piling samahan sa bansa upang makapag-umpisa ng sarili nilang loan program para sa mga miyembrong nais magtayo ng maliit na negosyo.

Taong 2014 nang matanggap ng ASFERJODA ang kanilang puhunan, na ginamit nila para makabili ng pampasadang jeep na hanggang ngayon ay kumikita at pinakikinabangan nila.

Masayang ibinalita ni Liwanag na nakaipon na sila ng P220,000, na kanilang pinaiikot at pinauutang sa mga miyembro ng asosasyon.

“Ipinangpapa-loan namin sa aming mga miyembro sa maliit na interes lamang para makatulong,” ani Jimenez.

Dahil sa kinikita ng PTK jeepney, nakakapagbigay ng ayuda ang asosasyon sa mga miyembrong nangangailangan at year-end bonus sa lahat ng mga kasapi taun-taon.

“‘Yung boundary po nito, kung halimbawang may nangangailangan sa aming mga miyembro, ito po yung binibigay naming tulong sa kanila. Halimbawa, may nagkasakit sa kanilang pamilya. Malaking bagay po ito,” ani ASFERJODA secretary Jay Sibug.

Tiwala si Sibug na mapapalago rin ng asosasyon ang bigasan gaya ng tagumpay ng kanilang PTK jeepney.

“Asahan niyo po, siguro more than five years ay nandito pa po yung mga binigay niyong pangkabuhayan sa amin,” aniya.

“Muli po nagpapasalamat po kami sa inyong magkapatid, Senator Alan at Senator Pia Cayetano,” dagdag niya

Scroll to Top