By Badz Heralde
AMULUNG, Cagayan — Sumailalim ang nasa 60 dating rebelde sa Peoples Organization (PO) Project Proposal Making and Packaging Training nag organisa ng 17th Infantry Battalion, Philippine Army sa Farmer’s Training School, Anquiray, Amulung, Cagayan.
Ang mga dating rebelde na kalahok ay mula sa Sambayanan Peoples Organization at Cagayan Alliance for Peace and Development (CAPD) na grupo ng mga dating miyembro at supporter ng makakaliwang grupo sa Cagayan.
Sa nakuhang impormasyon mula sa 17th IB, ang training ay upang mabigyan ng kaukulang pagsasanay at maging produktibo ang mga dating rebelde.
Layon rin ng proyekto na magkaroon ng sapat na kaalaman ang mga kalahok sa paggawa ng paper work para sa project proposal upang mapamahalaan ng maayos ang mga ibababang tulong mula sa gobyerno.
Nabatid na ang CAPD ay binuo sa inisyatiba ni Gov. Manuel Mamba upang matulungan ang mga dating rebelde na muling makabalik ng mapayapa sa komunidad.
Samantala, katuwang ng 17th IB sa pangunguna ni Lt. Fernie V. Lua, CMO, kawani mula sa Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) Northern Luzon na si Regie Gallardo, National Intelligence Coordinating Agency (NICA) Assistant Regional Director Rey Adattu, at Cristy Anne Mae T. Mamba ng Department of Labor and Employment (DOLE) R02.