Street Journal Multimedia Services

Suspek sa pagpatay sa Vice Mayor ng Cagayan, nadakip na

CAGAYAN — Nadakip na ng pulisya ang dalawang suspek na umano’y sangkot at nasa likod ng brutal na pagpatay kay Aparri Vice Mayor Rommel Alameda at sa lima nitong security escort sa bahagi ng Bagabag, Nueva Vizcaya.

Kinilala ang mga suspek na sina Alyas Ramon, lider ng isang Potential Private Armed Group (PPAGs), ng Brgy. Luna, Sta. Rosa, Nueva Ecija at si Alyas George, miyembro ng PPAGs, at residente ng Mallorca, San Leonardo, Nueva Ecija.

Batay sa ekslusibong impormasyong nakalap ng CPIO-TeleRadyo, matapos ang isinagawang monitoring at beripikasyon sa kinaroroonan ng natukoy na mga suspek ay mabilis naman nilang isinilbi ang Warrant of Arrest laban sa mga ito.

Ang Warrant of Arrest ay inilabas naman ng Regional Trial Court (RTC) Branch 28, Second Judicial Region, Bayombong, Nueva Vizcaya kung saan nahaharap ang mga ito sa anim na bilang ng kasong Murder at walang inirekomendang piyansa para sa kanilang pansamantalang Kalayaan.

Ang matagumpay na pagkakadakip ng mga suspek ay pinangunahan ng Provincial Intelligence Unit (PIU), Cagayan Police Provincial Office (CPPO) Regional Intelligence Division 2 (RID2) katuwang ang pinagsanib na puwersa ng h CIDG Cagayan RFU2; RID-PRO3; PIU-Nueva Vizcaya PPO; PIU-Nueva Ecija PPO; RIU2; Aparri PS; NBI-Cagayan Valley Regional Office; Sta. Rosa Police Station, Nueva Ecija PPO; 1st PMFC Nueva Ecija; Bayombong Police Station, Nueva Vizcaya; at National Intelligence Coordinating Agency (NICA) Region 2.

Sa ngayon, tiniyak naman ng kapulisan na magpapatuloy pa ang paggulong ng imbestigasyon upang matukoy ang pagkakakilanlan ng posible pang kasabwat ng mga nahuling suspek sa karumaldumal na pagpatay.

Matatandaang Pebrero 19, 2023 nang maiulat ang walang habas na pagpatay kay Vice Mayor Alameda kasama sina Abraham Ramos, Jr., John Duane Alameda, Alvin Abel, Ismael Nanay, Sr., Alexander Delos Angeles na tinaguriang Aparri 6.

 

 

 

Scroll to Top