BASILAN, Philippines – Inaasahang hindi na mahihirapan ang Sumisip District Hospital kapag hindi stable ang power supply, dahil naka-ready na ang kauna-unahang 100% solar-powered na inilagay sa ospital.
Layunin ng proyektong P6 milyon solar panel ay para matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng kuryente sa ilaw at mga makina ng laboratory at operating room, anumang oras lalo na kapag hindi stable ang power supply mula sa BASELCO.
Isinagawa ang “lights on” at inspection sa pangunguna ni Gov. Mujiv Hataman, kasama sina Vice Mayor Gulam Boy Hataman; Provincial Health Officer Dr. Shariffa Ann Abbas Alvarez, Harrybert Hadjala, Norita Sario, BM Nurkhan Istarul, OPAG Chief Alexis D. Cotales, Provincial Veterinarian Sham Tutuh, PEO’s Salonga Lasatan at Beth Dinglasa, mga doktor, nurse, at personnel ng SDH, pati na rin ang mga tauhan ng PEO at mga kinatawan ng PENRO.
Ang kabuuang gastos ay umabot sa ₱8 milyon, na kinabibilangan na ng rehabilitasyon ng electrical wiring, mula sa 20% development fund ng probinsya.
Ayon kay Dr. Alvarez, inisyatiba ito ng Provincial Government at malaking tulong ang solar at electrical upgrade upang maprotektahan ang mga vital equipment at masigurong mas mabilis at ligtas ang serbisyong medikal para sa Sumisip at mga karatig-bayan.
Personal ding inikot ni Gov. Mujiv ang pasilidad upang tingnan ang mga silid at kagamitang umaasa sa stable na suplay ng kuryente.
Nagpaabot ng pasasalamat si BM Nurkhan Istarul at ibinahagi na ito ang unang hiling ng SDH medical staff sa kanya. Dagdag pa niya, target na ma-upgrade sa Level 1 hospital ang SDH pagsapit ng 2026.
Inaasahan din na sa ikatlong quarter ng 2026 ay magsisimula na ang operasyon ng Maluso General Hospital, bilang bahagi ng tuloy-tuloy na pag-angat ng health services sa probinsya.
Ayon kay Gov. Hataman, susunod na target na maging 100% solar-energized ang Lamitan District Hospital.
Ang kalusugan ay isa sa mga pangunahing pillar program ni Governor Hataman sa ilalim ng Basilan HELPS, kung saan kabilang din ang environmental protection.


