SUBIC, Zambales — Natugunan ng daan-daang senior citizen sa Zambales ang kanilang mga pangangailangan sa panahon ng personal na krisis nang makatanggap sila ng tulong mula sa magkapatid na Senador Alan Peter at Pia Cayetano, noong Hulyo 10.
May kabuuang P1.5 milyon ang naibahagi sa 750 senior citizen sa isinagawang Bayanihan Caravan sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program.
Ang AICS ay isang social protection program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nagbibigay ng tulong-pinansyal sa mahihirap na Pilipinong nahaharap sa personal na krisis tulad ng kawalan ng pagkain, pagkakasakit, pangangailangang pang-edukasyon, o pagkamatay ng isang miyembro ng pamilya.
Ang inisyatibo, na ginanap sa Subic Sports Complex, ay isinagawa sa pakikipag-ugnayan kina Zambales 1st District Rep. Jefferson “Jay” Khonghun at Subic Mayor Jon Khonghun.
Sa pamamagitan ng Bayanihan Caravan, patuloy na nakikipag-balikatan ang dalawang Cayetano sa mga pambansang ahensya at mga lokal pamahalaan upang matulungan ang mga Pilipino sa mga vulnerable sector na iangat ang kanilang pamumuhay at mapagtagumpayan ang iba’t ibang hamon sa buhay.