TUGUEGARAO CITY, Cagayan — Inihayag ng pamunuan ng Cagayan Police Provincial Office (CPPO) na lalong hihigitan ngayon ng kapulisan ang gagawing pagbabantay sa bayan ng Rizal matapos ang inaasahang pagkakasailalim nito sa COMELEC Control para sa National at Local Elections (NLE) 2025.
Ito ay kasunod ng pagkakalagay sa “Red Category” bilang Election Area of Concern ang naturang bayan matapos ang pagpatay kay Rizal Mayor Joel Ruma kamakailan.
Ayon kay PCapt. Shiela Joy Fronda, tagapagsalita ng CPPO, maigting ngayon ang ugnayan ng pamunuan ng Rizal Police Station at Rizal Municipal Election Officer upang maisakatuparan ang paglalatag at implementasyon ng mga polisya at mga hakbang para sa seguridad ng gaganaping halalan sa naturang lugar.
Aniya, hinihintay na rin ngayon ng kanilang tanggapan ang kopya ng resolusyon na nagpapatibay sa pagsasailalim ng bayan ng Rizal sa COMELEC Control habang tiniyak din aniya ng pamunuan ng CPPO ang kahandaan ng kapulisan tungo sa ligtas, maayos, at malinis na halalan sa iba pang mga bayan at siyudad sa Cagayan.
“May resolution na po dito po sa request na ang bayan ng Rizal ay mailalagay na nga po under the COMELEC Control at hinihintay lamang po natin ang final na copy [resolution] na ang bayan ng Rizal ay nasa COMELEC Control na po,”
“Hindi po magkakampante ang mga Cagayano Cops sa pamumuno po ng ating butihing Provincial Director, nakahanda po tayo sa lahat ng pagkakataon but we are praying na sana wala pong maging insidente at iyon na ang una at huli,” saad ni Fronda.
Matatandaang kahapon ay pinangunahan ni Provincial Director, PCol.Mardito Anguluan ang Accounting and Send-off Ceremony ng mga personnel na nagmula sa Provincial Headquarters (PHQ) at Tourist Police Unit (TPU) bilang karagdagang puwersa na ipapakalat at itatalaga katuwang ng mga local police station na magbabantay sa iba’t ibang istratihikong lugar sa probinsya.(Cagayan PIO)