By Ruben A. Veloria
OLONGAPO CITY — Nahaharap ngayon sa patong-patong na kasong estafa ang negosyanteng si Ramon Fernandez ng lungsod na ito makaraang mabigong maibalik sa mga investor ang multi-milyon pisong sosyong kapital.
Si Fernandez ay walang kaugnayan sa dating professional PBA player at Sports Commissioner Ramon Fernandez nagkataon lang na ka-pangalan niya ang suspek.
Sa sinumpaang complaint affidavit ni Atty. Theresa Tenazas, ipinakilala umano siya ng isang kaibigan kay Fernandez noong Oktubre 2021 na humimok sa kanya na maging kasosyo sa pagsusuplay ng ng bigas, pagkaing delata, at iba pang pangangailangan na ipinamamahagi ng mga munisipyo sa Zambales at Bataan bilang ayuda.
Dahil sa kumbinsidong presentasyon ay nag-abot si Tenazas ng ₱500,000.00 kay Fernandez bilang sosyo, at nadagdagan pa makaraang tiyakin ni Fernandez na maibabalik ang pera dahil may mga “Notice of Award,” “Notice to Proceed” at “Purchase Order” na si Fernandez. Umabot ng kabuoang ₱5.2 milyon ang perang naibigay ni Tenazas hanggang noong Enero 2023.
Nangako umano si Fernandez na mag-i-issue ito ng postdated checks sa biktima bilang patunay na ibabalik ang pera sa loob ng tatlong buwan. Ngunit umabot na ng isang taon, wala pa rin naibalik na pera sa biktima.
Noong Abril 2023, kinausap ng biktima ang suspek para maisaoli nang maayos ang perang ginamit na kapital, ngunit isang milyong piso lamang ang ibinalik ni Fernandez.
Bunsod nito, dumulog si Tenazas, kasama ang iba pang biktima, sa barangay upang resolbahin ang problema, kung saan ay nangako si Fernandez na magbabayad hanggang April 2025. Ngunit pagdating ng itinakdang araw, muling nabigong isauli ng suspek ang pera at muli na namang gumawa ng pangako.
Dahil dito, nagsumite na ng affidavit sa korte si Tenazas para makasuhan na si Fernandez ng “syndicated estafa and/or multiple counts of estafa under Article 315 of the Revised Penal Code,” mga kasong “serious and non-bailable offenses under Philippine Law.”
Umaabot sa ₱60 milyon ang nakuha ni Fernandez mula sa mga nabiktima nito, maliban pa sa mga lupain sa ibang probinsiya.
Nauna nang nakipagpulong ang grupo kay Fernandez sa barangay sa bayan ng Subic upang puwersahin itong isauli ang pera at titulo ng lupa, ngunit hanggang sa kasalukyan wala pang tugon si Fernandez at hindi na nila ito makita.


