Street Journal Multimedia Services

DepEd tutukan ang mababang literacy rate sa Cagayan

By Rachell Galamay-Cagayan PIO

 

TUGUEGARAO CITY, Cagayan — Tiniyak ng Department of Education -Schools Division Office (SDO)-Cagayan na kanilang pagtutuunan ng pansin ang pagpapataas sa literacy and reading comprehension rate ng mga mag-aaral sa probinsiya.

Sa ginanap na Oplan Balik Eskwela SY 2025-2026 Reporting Educational Progress and Outlining Reforms and Targets (PROJECT REPORT) Meeting, noong Hunyo 23, inihayag ni Schools Division Superintendent, Dr. Reynante Caliguiran na sa pagbubukas ng School Year 2025-2026, target nilang pataasin ang lebel ng pang-unawa,kakayahan sa pagbabasa, at pagbibilang ng mga estudyante lalo na sa elementarya.

Ilan sa mga istratehiyang kanilang ipatutupad na siya ring inilatag ng DepEd Central Office ay ang pagtatalaga ng mga guro sa bawa’t baitang anuman ang kanilang ranggo upang matulungan ang mga estudyante na linangin ang kanilang pagbabasa at pang-unawa.

“Una, nagbaba ang ating central office ng abiso na ang mga Master Teachers natin ay kailangan i-reassign sa current Grade level kung nasaan sila. Yung mga nasa Key Stage 1 (Grade 1,2,3) stay put sila, yung mga nasa Key Stage 2 ay inilagay natin sila sa Key Stage 1. Ilalagay natin sila kung saan sila mas kailangan at trained,” saad ni Dr. Caliguiran.

Maliban sa reassigning at realignment ng mga guro, nakikita rin ng SDO Cagayan na makatutulong ang pagkakaroon ng sapat na learning resource materials at pagyakap sa digitalization upang makausad ang mga ito at magkaroon ng pagbabago.

Kaugnay rito, lubos ang naging pasasalamat ng SDO Cagayan sa Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pamumuno ni Governor Manuel Mamba dahil sa pagbibigay nito ng pondo at iba pang kagamitan gaya ng mga libro na mamagamit sa kanilang pagtuturo.

Matatandaang sa isinagawang Functional Literacy, Education, and Mass Media Survey (FLEMMS) ng Philippine Statistics Authority (PSA) nasa 69.4% ang functional literacy rate sa buong Rehiyon Dos kung saan naitala ang Cagayan na may pinakamababang functional literacy rate kumpara sa ibang lalawigan.

Ilan sa mga natukoy na salik na maaaring nakaapekto sa pagbaba ng literacy rate ng probinsiya ay ang labis na paggamit ng mga gadgets, online games, at iba pang online platforms at kawalan ng moral at emotional support ng mga magulang sa kanilang mga anak na maaaring nakaaapekto sa kanilang pag-aaral.

Samantala, nanawagan naman si Amir Aquino, Public Affairs Officer ng DepEd Region 2 ng maigting na koordinasyon at kooperasyon hindi lamang sa mga ahensiya ng gobyerno nguni’t maging sa mga lokal na pamahalaan at magulang ng mga mag-aaral upang masolusyunan ang kinahaharap na problema hinggil sa pagbaba ng functional literacy rate ng probinsiya.

“We are hoping a strong coordination with our stakeholders and also the parents of our students in Cagayan, dahil hindi lamang naman po dapat ang Kagawaran ang gumagalaw, naniniwala po ako na kapag tayo po ay gumalaw lahat at gumawa ng solusyon ay matutugunan po natin ang pangangailangan ng ating mga mag-aaral,” paliwanag ni Aquino

 

Scroll to Top