By LJLorejo – Albay PIO
LEGAZPI CITY, Albay — Mahigpit na binabantayan ngayon ng Provincial Health Office (PHO) ang posibleng paglabas ng mga kaso ng water-borne at respiratory diseases matapos ang matinding pag-ulan at pagbahang dulot ng nagdaang bagyong ‘Kristine’.
Ayon sa initial findings ng Rapid Health Assessment (RHA) Teams ng PHO, bagaman walang kumpirmadong kaso ng leptospirosis, subalit marami ang nakitaan ng sintomas ng mga upper respiratory infections.
Matatandaang idineploy ang nasabing mga RHA Teams sa mga lugar na higit na apektado ng naturang sama ng panahon, kung saan layunin nitong magsagawa ng mga health assessments upang ma-aydentipika ang mga pangunahing pangangailangang pangkalusugan at mapigilan ang potensyal na paglaganap ng mga sakit.
Kaugnay nito, nagsagawa rin ng Health Teaching and Information Dissemination ang PHO, katuwang ang mga local health units tungkol sa Water Sanitation and Hygiene (WASH), leptospirosis prevention, prevention and management ng diarrhea at prevention of upper respiratory infections.
Pinangunahan rin ng PHO ang pinamimigay ng mga gamot na antibiotic gaya ng Doxycycline, mga jerry cans at hygiene kits sa mga apektadong munisipalidad at siyudad na matinding tinamaan ng bagyo sa lalawigan.