Street Journal Multimedia Services

Paglaganap ng ‘Ulmog’ sa palayan,dapat aksyunan – DA-RCPC

CAGAYAN, Philippines — Nanawagan ang Department of Agriculture-Regional Crop Protection Center (RCPC) sa mga magsasaka sa Rehiyon Dos na magkaroon ng agarang aksiyon laban sa Brown Plant hopper o mas kilala sa tawag na ’ulmog’.

Sa pinakahuling datos ng RCPC, umabot na sa mahigit 200 ektarya ng palayan sa Cagayan Valley ang apektado ng nasabing peste.

Ayon sa ahensiya, kapag hindi naagapan nagdudulot ito ng hopper burn o pagkasunog ng palay na karaniwang may kasamang sooty molds.

Ayon sa pananaliksik ng mga eksperto, ang ulmog ay karaniwang lumalabas tuwing panahon ng pamumulaklak hanggang pamumuo ng butil ng palay dahil doon sila sumisipsip ng katas na nagdudulot ng pagkakaroon ng “empty grains”.

Mas aktibo rin umano ang mga ito tuwing mainit ang panahon, subali’t hindi ibig sabihin na ligtas na ang palay kapag tag-ulan dahil maaari pa rin silang umatake lalo na kung humupa na ang ulan o may mga bahaging tuyo sa bukid.

Bilang tugon, pinayuhan ang mga magsasaka na regular na inspeksyunin ang kanilang taniman, hawiin ang mga suwi ng palay, at magsagawa ng spraying kung may presensiya ng hindi bababa sa limang ‘ulmog’ kada tangkay.

Inirekomenda rin ng RCPC ang paggamit ng mga biocontrol agents gaya ng Metarhizium, Isaria, at Beauveria bilang follow-up spray upang mapigil ang patuloy na pagdami ng peste.

Samantala, hinikayat naman ang lahat ng magsasaka na makipag-ugnayan lamang sa kanilang City Agricultural Office (CAO) o Municipal Agricultural Office (MAO) para sa dagdag na gabay at tulong laban sa ulmog. (Jovy Andres)

 

Scroll to Top