UMINGAN, Pangasinan – Kumpleto na ang phase I ng Umingan Super Community Hospital na matatagpuan sa Barangay Gonzales, Umingan, Pangasinan.
“Phase 2 basically are the finishing, ‘yong mga fit out, air condition, ceiling, painting, ‘yong mga floor works niya, mga pintuan, basically, finish na ‘yong building. So, we are then going to proposed phase 3 for the fit out of an equipment ‘yong mga gamit naman dito kasama po ang dalawang elevator, diagnostic equipment, at iba pang kagamitan para po gamitin dito sa ospital,” pahayag ni Governor Ramon V. Guico,III, matapos ang isinagawang inspeksiyon nitong Marso 2.
Kumpleto na rin ang road network at drainage system sa paligid nito.
Nakatakda naman ang pagtatayo ng Dialysis Center sa nasabing ospital.
Ayon kay Governor Guico, asahan na matatapos ang Level I Community Hospital ngayong taon at magiging modelo ng iba pang susunod na community hospitals sa lalawigan.
Dagdag pa niya na kailangan din ng probinsya ang pagkakaroon ng level 2, level 3, APEX, at specialty hospitals para sa may sakit sa puso, kidney, cancer, at iba pang malulubhang karamdaman.
“So, ito po ay pakikinabangan po ng lahat. So, just imagine if you have a quality healthcare network facilities for the entire province tapos lahat iyan na-enrol na natin sa Philhealth so pag na-ospital ka may gagamitin kang medical insurance at most likely pinapalaki natin ang income ng ating lalawigan, naglalaan tayo ng malaking pondo para sa kalusugan ng ating mga mamamayan,” dagdag pa ng gobernador.
Ang Umingan Super Community Hospital ay bahagi ng township project sa 4.2 ektaryang lupain na pag-aari ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan.
Ang township project ay magkakaroon ng transport terminal, commercial area,daycare center, park at social hall.
Ginanap ang time capsule laying at groundbreaking ceremony ng P200 million, 55-bed capacity community hospital noong January 18, 2024.(Marilyn Marcial/Krizzia Mamaril|PIMRO)