Tatlong indibidwal ang inaresto ng mga awtoridad matapos magpakilalang mga tauhan ng Commission on Elections (COMELEC) at magsagawa ng hindi awtorisadong inspeksyon sa Silangan Elementary School, Brgy. San Pablo Norte, Santa Cruz, noong Mayo 5,2025.
Ang reklamo ay isinampa ni Patrick H. Arbilo, 47, ang kasalukuyang Acting Election Officer ng COMELEC sa Santa Cruz, Laguna.
Batay sa isinagawang imbestigasyon ng Sta Cruz Municipal Police Station, bandang alas kwatro ng hapon, mayroon umanong tauhan ng COMELEC ang nagsasagawa ng inspeksyon sa nasabing paaralan.
Ang mga indibidwal ay kinilalang sina alyas “Noli”, 64 taong gulang, alyas Joe, 74, at alyas Jose, 46 at mga residente ng Brgy. Salvacion, La Loma, Quezon City.
Ang mga nasabing suspek ay dumating sa nabanggit na eskwelahan sakay ng isang Toyota Avanza at nagpanggap bilang mga empleyado ng COMELEC mula sa main office sa Intramuros.
Isa sa mga suspek ay nagpakita umano ng pekeng identification card ng “COMELEC Task Force Kontra Bigay” upang makapasok sa paaralan at nakuhanan pa ng larawan ang mga Automated Counting Machines (ACM).
Ayon sa hepe ng Sta Cruz Municipal Police Station, nakipag-ugnayan sila sa COMELEC Provincial Office ng Laguna at napag-alamang hindi konektado sa COMELEC ang mga naturang suspek at walang awtorisasyon para magsagawa ng inspeksyon sa alinmang polling center sa nasabing lugar.
Agad na inaresto ang mga suspek at dinala sa Santa Cruz Municipal Police Station para sa karampatang dokumentasyon at pagsasampa ng kaso.
“Hindi natin hahayaang makalusot ang sinumang magtatangkang guluhin ang integridad ng ating halalan. Patuloy ang ating mahigpit na pagbabantay upang masiguro ang isang malinis, maayos, at mapayapang halalan para sa lahat dito sa CALABARZON,” pahayag ni PBGEN Paul Kenneth T Lucas, ang Director ng pulis CALABARZON.
Samantala, nanawagan ang Regional Director sa publiko na maging mapagmatyag at agad na i-report ang anumang kahina-hinalang aktibidad, lalo na sa panahon ng eleksyon, upang mapanatili ang integridad at seguridad ng Halalan 2025.(RPIO4A).