Street Journal Multimedia Services

Kasanayan ng mga atleta, mas mapauunlad sa bagong kumpuning PSC track oval sa Baguio City

By PIA-CAR

 

BAGUIO CITY (PIA) — Inaasahang mas mahahasa pa ang kakayahan ng mga atleta sa pagbubukas ng bagong kumpuning track oval ng Philippine Sports Commission (PSC) sa Teachers Camp, Baguio City.

Pinangunahan ni PSC Chairperson John Patrick C. Gregorio, kasama si Baguio City Mayor Benjamin Magalong, ang pagbubukas ng oval noong Mayo 16, 2026.

“Makakatakbo na uli rito ‘yung mga boxers, muay [thai], ‘yung track and field. Nandito si President Erick kanina. Pababalikin na raw niya rito ‘yung mga long-distance runners.

Pangalawa, ‘yung community ho. Sa totoo lang, diyan ako excited. You know, when si President Marcos opened that Rizal and Field sports, believe it or not, among 2,000 to 3,000 people ‘yan every night—‘yung 3 p.m. to 10 p.m. And we will do the same thing here in Baguio,” sabi ni Gregorio.

Bukas ang oval mula 3 p.m. hanggang 10 p.m. araw-araw. Libre ang paggamit ng oval nguni’t kailangan munang magrehistro.

Ang una, pangalawa, at pangatlong linya ay para sa mga mabibilis na tumakbo at mga nag-eensayo na atleta. Ang pang-apat, panglima, at pang-anim na linya naman ay para sa pagtakbo nang dahan-dahan at tuloy-tuloy. Samantala, ang pangpito at pangwalo na linya ay para mga naglalakad.

Sinabi ng PSC chairperson na sa loob ng ilang buwan, sisimulan na rin ang pagpapaunlad ng football pitch sa naturang lugar.

“Kaya nandito rin ho ‘yung Philippine Football Federation (PFF). It will be a world-class football field. Pitch po siya. Ito po ‘yung turf na bago. PSC rin po ‘yan and Philippine Football Federation,” aniya.

Inilahad din ng opisyal ang iba pang inaasahang pagpapaunlad sa mga pasilidad ng isports sa lungsod.

“I make sure that I get the support of international federations. So, nag-usap rin ho kami ni Mayor Magalong, ‘yung dinonate namin na P20 million for the Athletic Bowl, ‘yung dormitory ng mga atleta. And then ‘yung susunod po natin diyan ‘yung swimming pool. Kasi kapag mga January to February, masyadong malamig. Kawawa naman ‘yung mga atleta. So, pagtutulungan din po namin ni Mayor Benjie ‘yan,” dagdag pa ni Gregorio.

Ayon naman kay Magalong, makatutulong ang mga napagagandang pasilidad para sa pagpapaunlad ng kakayahan at kapabilidad ng mga atleta.

“Ang condition lang noon is we’re going to designate ‘yung ating Athletic Bowl as a regional training center. So, mag-le-level up na naman ‘yung ating mga athletes kasi they will be training with regional champions, at the same time, with national players as well. Kaya gaganda din ang performance ng ating mga athletes sa siyudad ng Baguio,” sabi ni Magalong.

Nakibahagi rin sa pagbubukas ng track oval sina Muay Thai world champion Islay Erika Bomogao, Olympic medalist na si Nesthy Petecio at Olympian Eumir Marcial.  (JDP/DEG- PIA-CAR w/ UC intern Angela A. Espiritu)

 

Scroll to Top