Street Journal Multimedia Services

Hunger rate ng Pilipinas, tumaas noong Marso 2025 – SWS

Halos nadoble ang bilang ng nagutom at walang makaing Pilipino noong nakaraang buwan ng Marso kumpara sa buwan ng Enero 2025 base sa pinakahuling datos ng Social Weather Station (SWS).

Sa isinagawang survey ng SWS nitong Marso 15-20, 2025, umabot sa 27.2% ng mga Pinoy ang nakaranas ng involuntary hunger o pagkagutom, mas mataas ito sa 21.2% noong buwan ng Pebrero at 15.9% noong buwan naman ng Enero 2025.

Ito na umano ang maituturing na pinakamataas na porsyento ng mga Pilipinong nagugutom simula nang pumutok ang pandemya noong taong 2020.

Umabot lamang sa 20.2% ang average percentage ng hunger rate noong 2024.

Sa datos pa ng SWS, 21% ng nakibahagi sa survey ang nagsabing nakaranas sila ng moderate hunger mula sa 15.8% noong Pebrero.

Ang moderate hunger ay naranasan ng mga taong minsang nagutom sa nagdaang tatlong buwan.

Nakaranas naman umano ng severe hunger ang nasa 6.2% ng respondents, mas mataas sa 5.3% noong nakaraang buwan.

Ang mga ito ay maituturing na mga taong laging dumaranas ng gutom.

Ang Visayas ang may pinakamataas na porsyento ng involuntary hunger kung saan umabot ito ng 33.7%; Metro Manila na may 28.3%; Mindanao na may 27.3%; at Luzon na may pinakamababang involuntary rate o 24% lamang. (Kane Manaoat)

 

Scroll to Top