Street Journal Multimedia Services

Hukbong Katihan ng Pilipinas hinimok ang mga mamamayan na maging reserbang hukbo

By: Dante M. Salvana

PALAYAN CITY, Nueva Ecija – “Nangangailangan kami ng mas maraming army reservists.” Ito ang naging pahayag ni Major General Romulo Manuel Jr. ng Army Reserve Command (AResCom) sa ilalim ng Philippine Army (PA) sa ginanap na Joint Task Force (JTF) Kaugnay Reservist Forum at Press Conference na pinangunahan ng 7th Infantry Division (7ID) sa Fort Magsaysay noong Linggo July 21.

Ayon kay Manuel, ang bansa ay mayroong 150,000 aktibong tauhan mula sa Armed Forces of the Philippines at 1,400,000 Ready Reserves para sa taong 2024. Idinagdag na ang populasyon sa buong Pilipinas ay nasa 119,194,072.

“Ang bilang ng ating mga sundalo sa bansa ay mahigit isang porsyento lamang ng kabuuang populasyon. Hinihimok ko ang bawat Pilipino na magboluntaryo bilang bahagi ng ating mga reserba at maglingkod sa ating bansa sa panahon ng krisis,” aniya.

“Ang Pilipinas ay umaasa sa mga reservist nito upang magbigay ng suporta at pagpapalakas sa regular na sandatahang lakas, lalo na sa panahon ng krisis at pambansang emerhensiya,” at idinagdag na ang kontribusyon ng mga reservist ng hukbo sa pambansang depensa ay kritikal at kailangang-kailangan.

Sinabi pa nito na ang mga reservist ay magkakaroon din ng parehong pagsasanay tulad ng sa isang tauhan ng militar, kabilang ang mga pagsasanay sa militar at paghawak ng armas.

Upang maging bahagi ng ResCom, ang enlistment ay sa pamamagitan ng Military Orientation Training Course (MOTC) at ng Basic Citizens Military Training (BCMT).

Ang mga Reserve Officer sa kabilang banda ay direktang kinomisyon batay sa AFP Policy Circular 30.

Ang isang enlisted o officer reservist kapag tinawag sa aktibong tungkulin sa bisa ng mobilisasyon ay tatanggap ng lahat ng suweldo at allowance, pangangalagang medikal, ospital at iba pang mga pribilehiyo at benepisyo na itinakda ng batas o mga regulasyon para sa mga opisyal at enlisted personnel ng regular na puwersa.

Nakasentro ang forum sa suporta ng 7ID sa Army Reserve Force Development kasama si Manuel bilang panauhing pandangal at tagapagsalita, at bahagi ito ng 36th Founding Anniversary celebration ng Kaugnay Division na may temang, 7ID@36: Husay at Disiplina tungo sa Bagong Pilipinas.

 

Scroll to Top