Street Journal Multimedia Services

Gob.Mamba, iniutos ang agarang implementasyon ng mga napondohang proyekto

By Badz Heralde-Cagayan PIO

 

TUGUEGARAO CITY — Mahigpit na ipinag-utos ni Gob. Manuel Mamba sa mga Department Head ng Kapitolyo ng Cagayan na agarang ipatupad at tapusin na ang mga nakabinbing proyektong napondohan sa mga nakalipas na taon.

Ipinahayag ito ni Mamba sa Department Head, kasama ang mga Chief of Hospital sa naganap na Management Committee (ManCom) Meeting sa Conference Hall, Capitol Main Building, Tuguegarao City, Cagayan, noong 14.

Aniya, nararapat lamang na matapos na ang mga ito dahil pondo ito sa ilalim ng kanyang administrasyon. Kabilang sa mga pinatututukan ang iba’t ibang proyektong pang-imprastraktura at iba pa na kailangan aniyang tapusin at ipatupad upang mapakinabangan na ng mga Cagayano. “Posible maapektuhan ang mga ito pagsapit ng eleksyon dahil sa gagawing election ban, dagdag pa ng Gobernador.

“Ang dami kong gustong matapos at the end of the year. All of these things are funds after my administration. Let’s do this fast. Tutukan ang lahat ng kayang gawin, lahat ng kayang i-implimenta. As you know I signed everyday, kapag nakikita niyo na na-stock, puntahan niyo,” ani Gob. Mamba.

Ayon pa sa Gobernador, bagama’t siya ay patapos na sa kanyang ikatlo at huling termino ay nais pa rin niyang maipagpatuloy ang mga magagandang nasimulan sa probinsiya.

“I’m on my last term pero ‘di ko pababayaan ang province. I am considering not running anymore pero sinabi ni Manong Egay, ikaw ang Vice Gov. ko. People still believe, people clamor for continuity. Nakikita ko ‘yun,” sambit ng Ama ng Lalawigan.

Kaugnay rito, isa-isa namang nagprisinta ang mga departamento ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan at ang 12 District Hospitals sa kanilang mga programa at proyekto na naisagawa ngayong taon.

Kabilang na rito ang mga proyektong imprastraktura ng Engineering Office; serbisyong naihatid ng Social Welfare Office at programang pangkalusugan ng Provincial Health Office.

Tinalakay rin sa pagpupulong ang gaganaping Private Schools Athletic Association (PRISAA) sa buwan ng Abril, kung saan magiging host province ang lalawigan ng Cagayan kasama ang University of Cagayan Valley (UCV).

Hinakayat naman ni Gob. Mamba at Provincial Administrator Atty. Maria Rosario Mamba-Villaflor ang mga kawani ng PGC na suportahan ang aktibidad at ipakita na handa na ang Cagayan na pagtangan sa mga malalaking kaganapan katulad ng PRISAA.

 

Scroll to Top