CAMP MELCHOR DELA CRUZ, Isabela — Nakasagupa at nahuli ng 86th “Highlander” Battalion (86IB) ang dalawang teroristang CPP-NPA mula sa natitirang miyembro ng dismantled KRCV sa Baranga Dicamay 2, Jones, Isabela, sa nangyaring engkwentro dakong alas sais ng umaga, April 20.
Ayon sa inisyal na report, isang concerned citizen ang nagbigay ng impormasyon sa kinaroroonan ng teroristang kumunistang grupo.
Agad itong tinugunan ng 86IB, at sa pagpatrolya ng Highlander Battalion nakasagupa nila ang grupo ng teroristang NPA sa nasabing lugar kung saan dalawa sa miyembro nito ang nahuli at kasalukuyan pang inaalam ang pagkakakilanlan.
Kasama sa mga narekober ang ilang IEDs, magazine, mga bala, at iba pang personal na gamit.
Ayon kay MGen Gulliver L Señires, Commander ng 5th Infantry Division,
“Hinihikayat ko muli ang mga nalalabing miyembro ng KRCV maging ang ICRC: Hindi pa huli ang lahat. Ang pintuan ng pagbabalik-loob ay bukas pa rin. Ngunit habang pinipili ninyong humawak ng armas, kami ay mananatiling matatag sa aming paninindigan na ipaglaban ang kapayapaan para sa taong-bayan.”
“Ang aming mandato ay malinaw — protektahan ang mamamayan at panatilihin ang katahimikan sa ating nasasakupan. Hindi tayo mag-aatubiling gampanan ito, lalo na kung ang ating seguridad ay patuloy na nilalapastangan.” dagdag pa ni MGen Señires.
Matatandaan, noong Abril 14, taos-pusong nagpaabot ng imbitasyon si Señires sa mga natitirang miyembro ng CTG na magbalik-loob sa pamahalaan.
Sa pamamagitan ng Safe Conduct Pass, binigyan ng 5ID ng pagkakataon ang mga CPP-NPA na muling yakapin ang kapayapaan at makapiling ang kanilang pamilya.
Ngunit sa halip na tanggapin ang alok ng pag-asa, pinili nilang magpatuloy sa marahas at walang saysay na pakikibaka. Ang naganap na engkwentro sa Jones, Isabela ayon pa sa 5ID ay resulta ng kanilang patuloy na pagtanggi sa kapayapaan.

