SAN FERNANDO CITY, La Union — Bilang katuwang sa paghahanda ng mga paaralan para sa nalalapit na pagbubukas ng klase, namahagi ang Provincial Government of La Union (PGLU) ng mahigit P12 milyong tulong pinansyal upang masuportahan ang Brigada Eskwela ng iba’t ibang pampublikong paaralan sa lalawigan.
Pinangunahan ni Governor Mario Eduardo C. Ortega at mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ang pamamahagi ng pondo sa mga principal at program coordinators sa isinagawang distribusyon noong Mayo 28, 2026 sa Speaker Pro Tempore Francisco I. Ortega Convention Center, City of San Fernando, La Union.
Ang taunang pamamahagi ng tulong pinansyal sa mga paaralan ay patunay ng patuloy na suporta ng PGLU sa sektor ng edukasyon, partikular sa pagpapaganda ng mga pasilidad ng mga paaralan at pagtugon sa kanilang mga pangunahing pangangailangan upang mas mapaangat pa ang kalidad ng edukasyon sa lalawigan.
Aabot sa Php 10,625,000.00 ang natanggap ng La Union Schools Division Office (LUSDO) habang Php 1,000,000.00 naman ang natanggap ng City of San Fernando Schools Division Office (CSF SDO). Nakatanggap din ngayong taon ang mga nasa Alternative Learning System (ALS) Program na pinaglaanan ng Php 500,000.
Makikinabang sa naturang programa ang 425 pampublikong paaralan sa lalawigan kabilang ang mga elementarya, sekondarya, integrated schools, at 40 ALS districts sa buong lalawigan.
Kasama sa mga dumalo sa aktibidad ay sina LUSDO Superintendent Dr. Jorge Reinante, CSF SDO Superintendent Dr. Shiela Marie Primicias at iba pang mga education officials. Dumalo rin sina Board Members Gerard Ostrea, Atty. Ernesto Rafon, Joyce Abuan, at Teresita Garcia.
Labis ang tuwa habang nagpapahayag ng pasasalamat ang mga guro dahil malaking dagdag ang pondo para sa pagpapaayos at paghahanda ng kanilang mga paaralan bago ang pasukan.


