Street Journal Multimedia Services

Baguio nagwagi sa unang Muay Thai Elementary Division sa CARAA meet

LA TRINIDAD,Benguet – Matagumpay na nasungkit ng Baguio City ang kauna-unahang gintong medalya sa Muay Thai Elementary Division sa makasaysayang CARAA MEET 2025 na ginanap sa Benguet State University Open Gymnasium, noong Pebrero 25.

Isa sa mga pangunahing bida sa kaganapang ito ay si Lara Czarina Langaoen, na nagpakitang-gilas sa kanyang talento.

Matapos ang tatlong linggong masigasig na paghahanda mula sa City Meet, nakabawi si Lara at ipinakita ang kanyang kahusayan.

Ang event na ito ay nagmarka ng bagong yugto sa sports ng rehiyon, na nagbigay-daan sa mga batang atleta na ipakita ang kanilang galing sa larangan ng Muay Thai.

Noong nakaraang taon, wala pang elementary division para sa Muay Thai, kaya’t ito ang unang pagkakataon na naganap ang kompetisyon para sa mga kabataang atleta.

Ayon kay Coach Marites Napudo, tatlong mahahalagang aspeto ang nag-ambag sa tagumpay ni Langaoen: ang consistency ng kanyang mga hakbang, ang tamang pag-memorize ng steps, at ang pagsabay sa beat ng musika.

Sa kabila ng kinakailangang minimum na 3 minuto at maximum na 4 minuto para sa pagperform, nagawa ni Lara na tapusin ang kanyang laban sa 3 minuto at 37 segundo, na nagbigay sa kanya ng mataas na score na 90.66%.

Si Lara ang nagwagi ng gintong medalya sa 9-10 years old female category, sinundan siya ng representative ng Tabuk City na si Alexandra Cos-agon na may oras na 3 minuto at 5 segundo at score na 88.66%, at pumangatlo si Skylar Shane Maganon mula sa Benguet na may oras na 3 minuto at 33 segundo at score na 86.66%.

Ang pangarap ni Lara ay makamit ang gintong medalya, inspirasyon niya ang first Filipina Muay Thai World Champion na si Islay Erika Bomogao, na nagtagumpay sa 2023 IFMA Senior World Championship sa Bangkok, Thailand. “Pangarap ko po yun, inspired ako kay ate Islay Erika Bomogao,” pahayag ni Lara.

Ayon kay Coach Napudo, patuloy ang suporta kay Lara sa kanyang training. “Palagi ko siyang pinapaalalahanan na dumalo sa training, maging on time, at sundin ang mga rules sa pagperform,” dagdag niya.

Sa ngayon, wala pang Muay Thai Elementary Division sa Palarong Pambansa, kundi ito ay isang demo sport lamang. “Slowly siyang inaangat at hopefully by next year, magkakaroon na siya,” ani Coach Napudo.

Ang pamilya ni Lara, lalo na ang kanyang mga tito at tita na mga Muay Thai athlete din, ang kanyang pinaghuhugutan ng lakas at inspirasyon.

Para sa mga nais sundan ang kanyang yapak, nagbigay siya ng mensahe: “Kung gusto talaga nila ang Muay Thai, training talaga ang kailangan at syempre balansehin din ito kasabay ng pag-aaral.”

Mula sa kanyang tagumpay, malinaw ang pangako ni Lara na ipagpatuloy ang kanyang paglalakbay sa Muay Thai, at umaasa na hindi lamang siya makilala sa lokal na antas kundi maging sa pambansang entablado. Ang kanyang kwento ay nagsisilbing inspirasyon sa mga batang atleta sa rehiyon na mangarap at magsikap para sa kanilang mga layunin. By Joshua Ebalane-UB Intern

 

Scroll to Top