Street Journal Multimedia Services

Aboitiz Power, sanib-pwersa sa Brigada Eskwela 2026 sa Pagbilao, Quezon

By Danny Estacio

 

PAGBILAO, Quezon — Upang maihanda ang dalawang lokal na paaralan sa pagbubukas ng klase, nakiisa ang Therma Luzon, Inc. (TLI), isang subsidiary ng Aboitiz Power Corporation, sa annual n Brigada Eskwela ng Department of Education (DepEd) sa bayan ng Pagbilao, Quezon.

Katuwang ng mga mag-aaral, guro, at magulang sa Pagbilao ang mga boluntaryo mula sa TLI sa paghahanda ng mga paaralan. Kabilang sa mga ginawa ang paglilinis ng kampus, pag-aayos ng mga halaman, at pagpipinta ng mga gusali.

Ang proyektong ito ay inilunsad sa dalawang paaralan sa Isla Grande: ang Pagbilao Grande Island National High School (PGINHS) at Binahaan Integrated School (BIS).

Higit sa karaniwang paglilinis at pagsasaayos, nagbigay tulong din ang AboitizPower sa pamamagitan ng pagpopondo sa pagaayos ng mga pasilidad upang masiguro na ligtas ang kapaligiran para sa pag-aaral ng mga estudyante sa isla.

Sa Pagbilao Grande Island National High School (PGINHS), tumulong ang AboitizPower sa pagaayos at pagpapaganda ng covered court ng paaralan.

Dahil dito, muling magagamit ang mahalagang pasilidad na ito para sa mga klase sa Physical Education (PE), mga asembleya, at iba pang aktibidad ng mga mag-aaral.

Samantala, sa Binahaan Integrated School (BIS) naman, pinondohan ng AboitizPower ang pagpapatayo at pagkakabit ng isang matibay at bagong main gate upang mas mapalakas ang seguridad sa loob ng kampus.

“Ang epekto ng mga pagbabagong ito sa imprastraktura ay higit pa sa pagpapaganda ng itsura. Sa pamamagitan ng pagtatayo ng matibay na pangunahing gate sa Binahaan Integrated School, direktang nag-aambag ang AboitizPower upang mas maging ligtas at protektado ang ating kampus para sa ating mga mag-aaral,” pahayag ni Catalino L. Porta, Pagbilao Public School District Supervisor.

Ang pakikibahagi ng TLI ay bahagi ng kanilang adbokasya para sa pagtutulungan at katatagan ng komunidad.

“Hindi namin ito itinuturing na simpleng pamimigay lang ng donasyon o obligasyon ng kumpanya—ito ay tungkulin na ginagampanan namin kasama ang mga komunidad na aming pinaglilingkuran,” ani Lou Deligencia, AboitizPower AVP for Corporate Services for South Luzon & Metro Manila.

“Sa pamamagitan ng paglahok sa Brigada Eskwela, binibigyang-pugay namin ang mga guro, magulang, at mag-aaral na walang pagod na nagsisikap para sa kinabukasan ng ating bansa.”

Ang mga aktibidad ng Brigada Eskwela sa Pagbilao ay patunay sa magandang idinudulot ng pagtutulungan ng gobyerno at ng pribadong sektor para sa kapakanan ng mga paaralan at komunidad.

Sa pagbubukas ng taong panuruan, hindi lamang mga silid-aralan ang isinaayos, kundi maging ang kolektibong pag-asa para sa isang ligtas, patas, at may kapangyarihang kapaligiran sa pagkatuto.

Scroll to Top