Mas pinaigting ang suporta para sa sektor ng agri-youth mula sa iba’t ibang munisipyo sa isinagawang 8th Provincial 4-H Achievement Day sa Provincial Capitol Dome, noong Abril 22.
Pinangunahan ito ng Lokal na Pamahalaan ng Catanduanes sa pamamagitan ng Provincial Agricultural Services Office (PASO).
Layunin ng programang ito na higit pang palakasin ang partisipasyon ng kabataan sa pinalawak na larangan ng agrikultura, mula sa mga usapin patungkol sa agri-preneurship gamit ang makabagong teknolohiya, hanggang sa mas pinatibay na suporta mula sa lokal na pamahalaan.
Naging tampok din sa programa ang iba’t ibang paligsahan tulad ng 4-H Club Promotional Video Contest at 4-H On-the-Spot Photography, kung saan nagwagi ng unang pwesto ang LGU Caramoran.
Samantala, itinanghal namang kampeon ang LGU Baras sa Tinig ng Kabataan Song Contest.
Sa pamamagitan ng mga ganitong programa, patuloy na hinihikayat ang mga kabataan na aralin at pagyamanin ang sektor ng agrikultura bilang isang makabuluhang larangan para sa kanilang kinabukasan at para sa ikauunlad ng buong lalawigan.

