SUDIPEN, La Union – Isinusulong ngayon ng Local na Pamahalaan ang mga renewable energy project at modernong pagsasaka para tulungan ang mga magsasaka na makapagtanim ng sagana at mapalago ang agrikultura sa bayan ng Sudipen, La Union.
Kamakailan lamang ay pormal pinasinayaan at iturn-over ni Mayor Wendy Joy Dengayan ang bagong Solar-Powered Irrigation System sa Barangay Castro, na pinamumunuan ni Punong Barangay Rodel Dingayan.
Ito na ang pangatlong Solar Powered-Irrigation System na ibinigay ng lokal na pamahalaan sa bayan at ito rin ang pinakamalaki sa mga tatlong proyekto.
Ang bagong solar-powered irrigation system ay binasbasan ni Rev. Victor Dagacan, sa ginanap na simpleng programa, na dinaluhan ng mga barangay council at residente.
Ang proyekto ay nagkakahalaga ng P1,990,586.00 na nagmula sa Development Fund ng lokal na pamahalaan.
Labis ang pasasalamat ni Dingayan sa local na pamahalaan, dahil natupad na ang kanilang matagal na hiling na magtitiyak ng sapat na suplay ng tubig para sa kanilang mga sakahan.
Paalala ni Mayor Dengayan sa mga residente na pangalagaan ang pasilidad upang mapakinabangan pa ito ng matagal na panahon.
Ang proyektong ito ay patunay ng dedikasyon ng lokal na pamahalaan na bigyang pansin ang sektor ng agrikultura para sa pagpapaunlad ng mga barangay. Zaldy Comanda


