Dalawang proyektong pang imprastraktura mula sa Pamahalaang Panlalawigan na may kabuuang halagang P2.9 milyon ang magkasunod na pinasinayaan sa Brgy. Evangelista sa bayan ng Naujan, noong Abril 22.
Pinangunahan ni Governor Humerlito “Bon,z” A. Dolor at kaniyang maybahay Hiyas Govinda Ramos-Dolor ang ribbon cutting ceremony ng P1.5-M halaga ng Day Care Center at P1.4-M halaga ng Multi-Purpose Building ng Farmers’ Association.
Ang okasyon ay sinaksihan nina Board Member Alely Casubuan-Tan, Board Member Fay Ilano-Navarro, dating Provincial Administrator Doc Hubbert Christopher A. Dolor at Barangay Captain Cesar Pedrozo.
Taos-pusong pasasalamat ang ipinaabot ni Barangay Captain Pedrozo sa administrasyon ni Governor Bonz dahil sa patuloy at walang sawang pagkalinga at pagtugon sa pangangailangan ng kanilang barangay.
“Sa pagkakataong ito ay ako naman ang magpapaabot ng pasasalamat sa ating mga magsasaka sa Brgy. Evangelista sapagkat dahil sa inyo may pagkain ang ating mga mamamayan”, ang mensahe ng Gobernador.
Nakiisa rin sa naturang gawain ang ilang myembro ng Sangguniang Bayan ng Naujan at iba pang mga opisyal.


