SORSOGON CITY – Pinaghahandaan ngayon lalawigan ng Sorsogan ang posiblidad na pagputok ng bulking Bulusan, matapos maitala ang 98 volcanic earthquakes na nagsimula noong Abril 12.
Nagsagawa kamakailan ng emergency meeting para sa Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) ng Bulusan Volcano ang Pamahalaang Panlalawigan na pinangunahan ni Provincial Administrator Franco Eric Ravanilla bilang kinatawan ni Governor Boboy Hamor, na ginanap sa kapitolyo.
Ang pagpupulong ay kaugnay ng mga naitalang pagtaas sa seismic activity ng bulkan. Base sa tala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PhiVolcs) sa Bulkang Bulusan.
Ayon sa kinatawan ng DOST-PhiVolcs, sa kasalukuyan ay nananatili sa Alert Level 0 ang Bulkang Bulusan, gayunman, matapos na makitaan ng mga pagbabago sa estado ng bulkan kabilang na ang sunod-sunod na volcanic earthquake, at iba pang seismic activities, patuloy ang kanilang monitoring at hindi isinasantabi ang posibilidad na mag alboroto ang nasabing bulkan.
Samantala, bilang paghahanda ng Kapitolyo sa anumang posibilidad na mangyari, inilatag na nito ang mga plano at preparasyon na kailangang gawin upang maiwasan ang anumang epekto nang nabanggit.
Kabilang sa mga paghahanda ng Pamahalaang Panlalawigan at iba pang katuwang na ahensya ay ang pagkakaroon ng koordinasyon at patuloy na monitoring, paglatag ng command center, paghahanda ng mga resources kabilang ang pag-augment ng mga fire trucks, food packs, hygiene kits, face masks at iba pa.
Dagdag pa, hindi na rin papayagan ang pagpasok sa 4km permanent danger zone.
Samantala, sa ngayon ay nauna nang ipinadala sa mga partner agencies tulad ng BFP, PNP at DRRMO ng Bulusan, Irosin, Juban, Casiguran, Gubat at Barcelona ang nasa 35,000 N95 face mask bilang bahagi ng pre-positioning ng Kapitolyo.
Ang Bundok Bulusan, kilala rin bilang Bulusan Volcano, ay isang stratovolcano sa isla ng Luzon sa Pilipinas. Matatagpuan ito sa lalawigan ng Sorsogon sa Rehiyong Bicol, ito ay 70 kilometro ang layo sa timog-silangan ng Bulkang Mayon at humigit-kumulang 390 kilometro ang layo sa timog-silangan ng Maynila.
Huling pumutok ang bulkang Bulusan noong Hunyo 12, 2022.

