Street Journal Multimedia Services

Cagayan athletes, handa na sa CAVRAA 2025

Nakahanda nang magpakitang gilas ang mga atletang pambato ng Cagayan Delegation para sa Cagayan Valley Regional Athletic Association (CAVRAA) Meet 2025 na gaganapin sa Santiago City sa Abril 23-27, 2025.

Isinagawang send-off ceremony na pinangunahan ni Gob. Manuel N. Mamba sa Cagayan Sports Coliseum noong Abril 20.

Aabot sa 782 athletes, coaches, trainers, at chaperons ang nakatakdang sumabak sa CAVRAA Meet 2025 kung saan bago ang send-off ay dumaan sa masusing pagsasanay upang matiyak ang pagdepensa sa bandera ng Cagayan sa naturang kompetisyon.

Sa naging mensahe ni Gob. Mamba, binigyang-diin nito ang kahandaan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan na maibigay ang lahat ng suportang kakailanganin ng mga kalahok sa CAVRAA Meet 2025.

Aniya, nais nitong maibalik ng Lalawigan ng Cagayan ang titulo nito bilang “Cagayan Agga Number 1” kaya hinimok nito ang mga atleta na magkaisa at gawin ang lahat ng kanilang makakaya upang masungkit ang tagumpay sa naturang palaro.

Dagdag pa rito, dapat aniyang isapuso ng mga atletang Cagayano ang diwa ng isports habang nakikipagkompetisyon sa ibang mga delegasyon at panatilihin ang disiplina at pakikipagkaibigan sa ibang mga manlalaro.

Pinaalalahanan naman ni Clarita Lunas, Consultant on Education ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ang lahat ng mga atleta na panatilihin ang malakas at malusog na pangangatawan habang sila ay nakikipagkompetisyon dahil ito aniya ang pinakamabisang paraan upang madepensahan ang bandera ng Cagayan.

Kaugnay rito ay hinikayat din ni Lunas ang mga atleta na panatilihin ang maayos na samahan, ibuhos ang buong lakas, at baunin ang matibay na dedikasyon upang maiuwi ang kampeonato para sa CAVRAA MEET 2025.

Samantala, aabot naman sa 15 bus ang naghatid sa Cagayan Delegation patungong Santiago City at kasama rin dito ang dalawang coaster ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan.

Dumalo rin sa Send-off Ceremony sina Cagayan Schools Division Superintendent, Dr. Reynante Caliguiran at iba pang kinatawan ng Schools Division Office ng Cagayan, mga Department Heads, at Provincial Consultants ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan. By Gelo Maguddayao/Photo by Cagayan Tourism/Miles Mallonga

Scroll to Top