Street Journal Multimedia Services

Film viewing sa Pamana at Kultura,isinagawa sa La Union

SAN FERNANDO CITY, La Union — Bilang paggunita sa Heritage Month ngayong 2026, isinagawa ng Provincial Government of La Union (PGLU), sa ilalim ng La Union Provincial Library (LUPL), ang isang Film Viewing activity noong ika-28 ng Mayo 2026.

Layunin ng inisyatibong ito na hikayatin ang mga kabataan na tangkilikin at mahalin ang kultura ng ating probinsya.

Tampok sa nasabing aktibidad ang pagpapalabas ng “2022 Inaig Dokyu Series” na nagpapakita ng natatanging tradisyon at kultura ng La Union. Pinaigting din ng LUPL ang kaalaman ng bawat kalahok sa pamamagitan ng isang question and answer activity upang patuloy nilang kilalanin at isapuso ang sariling atin.

Nakiisa sa programang “Kannawidan ti ELYUcano” ang mga kabataan mula sa iba’t ibang sektor kabilang ang mga out-of-school youth sa City of San Fernando, Nasudi Center clients, at mga miyembro ng youth organization na LINK Inc.

Kasama rin sa mga nanood at nagpakita ng suporta ang mga opisyal ng Sangguniang Kabataan (SK) mula sa iba’t ibang barangay ng siyudad upang itaguyod ang kultura ng La Union.

Sa pamamagitan ng inisyatibong ito, patuloy na pinatutunayan ng PGLU ang kanilang dedikasyon sa paglulunsad ng mga makabuluhang programa para sa pagpapatibay sa kamalayan sa kultura, pamana at kasaysayan.

Ang proyektong ito ay bahagi din ng adhikain ng PGLU na paigtingin ang serbisyo ng Provincial Library.

 

 

 

Scroll to Top