Street Journal Multimedia Services

Capitol on Wheels at EODB Grand Fair, sanib-puwersa sa pagdadala ng serbisyo sa Calaca, Batangas

By Bhaby De Castro

 

LUNGSOD NG BATANGAS, Pilipinas (PIA)—Matagumpay na isinagawa ang magkatuwang na pagbababa ng iba’t-ibang serbisyong pampubliko mula sa Capitol on Wheels na hatid ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas at Ease of Doing Business Grand Fair ng Anti-Red Tape Authority(ARTA) na ginanap sa New Calaca People’s Hall sa Calaca City Global College noong ika-18 ng Mayo.

Libong Calacazens ang nakinabang sa mga serbisyong medikal kung saan may 1,258 ang kabuuang naserbisyuhan sa Internal Medicine, Pediatrics, OB-GYN, serbisyong dental, libreng tuli at minor surgey.

Nagkaroon din ng libreng x-ray, ECG, RBS, hemoglobin, blood typing, dengue NS1, pregnancy test, HIV Testing, Syphilis testing at urinalysis.

Alinsabay nito, napagkalooban din ang 420 scholars mula sa naturang lungsod ng educational assistance na nagkakahalaga ng P5K bawat isa.

Iba’t-ibang mga uri naman ng pananim na gulay ang naipamahagi ng Office of the Provincial Agriculturist katuwang ang Department of Agriculture tulad ng pechay, mustasa,okra,labanos at sitaw.

Upang mapalawig ang oportunidad at mas mapatatag ang kabuhayan ng mga kooperatiba, nagkaloob din ang Pamahalaang Panlalawigan ng serbisyo para sa Balayan Agriculture Cooperative gayundin sa 137 Individual Livelihood Assistance applicants.

Ayon kay Fel Favorito, isang senior citizen sa naturang lungsod, malaki ang kanilang pasaalamat sa paglalapit ng mga serbisyong ito sa kanila.

“Mas madali matapos angmga pangangailangan namin tulad sa pagrerehistro sa Philhealth YAKAP at pag-uupdate sa SSS dahil sila na mismo ang pumunta dito, hindi na naming kailangang mag-sadya sa kanilang mga tanggapan at mamasahe. Mas maalwan para sa mag tulad namin na senior citizen,”ani Favorito.

Sa bahagi naman ng National Government Agencies, nagkaloob din ang mga ito ng iba’t-ibang serbisyo batay sa pangangailangan ng mga mamamayan kung saan kabilang sa mga nakilahok dito ang Philhealth, Social Security System(SSS), Pag-IBIG Fund, Philippine Statistics Authority(PSA), Land Transportation Office(LTO), Department of Trade and Industry(DTI), Bureau of Internal Revenue(BIR), National Bureau of Investigation(NBI), Professional Regulation Commission(PRC), Overseas Workers Welfare Administration(OWWA), Department of Science and Technology(DOST), Department of Labor and Employment(DOLE),Cooperative Development Academy(CDA), Department of Information and Communications Technology(DICT), Department of Agrarian Reform(DAR) at ARTA.

 

Ayon kay ARTA Sec. Ernesto Perez, ang EODB Grand Fair sa pakikipagtuwang sa Capitol on Wheels ay isang programa hindi lamang upang ipagdiwang ang Ease of Doing Business Month kunsi upang iparamdam sa mga kababayang Batangueno na ang pamahalaan ang lumalapit sa tao. Ito ay batay na din sa direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos na dapat lahat ng Pilipino ay mabigyan ng tama at sapat na serbisyo.

“Sama sama po tayong magtulungan para sa isang mas produktibo at transparent na bagong Pilipinas. Kasabay ng ating pagtupad sa ating mandato para maging mas accountable sa publiko,”ani Perez.(MPDC-PIA Batangas)

Scroll to Top