PANGASINAN, Philippines — Higit sa 700 residente ng San Manuel, Pangasinan at mga katabing bayan ang nakatanggap ng libreng serbisyong medikal sa medical mission na isinagawa ng Aboitiz Renewables, Inc., ang renewable energy arm ng Aboitiz Power Corporation (AboitizPower), kasama ang ABS-CBN Foundation, ABS-CBN Lingkod Kapamilya, DZMM, at DZMM Teleradyo, sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan ng San Manuel, Pangasinan noong Pebrero 27, 2026.
Ang bawat pasyente ay nakatanggap ng libreng general consultation mula sa mga doktor, kasama na ang reseta at isang buwang libreng supply ng maintenance medicines. Mula sa mga bata hanggang sa matatanda, bawat isa ay binigyang-pansin ng mga doktor upang matiyak na makakauwi silang may hawak na gamot at tamang gabay medikal.
Isa sa mga dumalo si Roselyn Ocon, 48-anyos na residente ng Brgy. San Juan, San Manuel, Pangasinan, na nabalitaan na magkakaroon ng medical mission sa health center. Pumunta si Ocon upang maayos na masuri at makakuha ng tamang dosage ng gamot para sa kanyang pagkahilo — lalo na matapos ang isang karanasan kung saan nainom niya ang maling gamot mula sa kamag-anak.
“Pumunta kami dito dahil nandito daw po lahat ng doctor,” sabi ni Ocon. “Sumakit yung tiyan ko kaya humingi ako ng gamot mula sa kamag-anak pero ang naibigay pala ay sa pagkahilo. Inaasahan ko na ngayon mabibigyan ako ng tama at libreng gamot.”
Katulad ni Ocon, marami ring senior citizen ang lumahok sa medical mission — kabilang si Lolita Sibayan, 68 — na naghahanap ng lunas sa mga pisikal na karamdaman at walang kakayahang bumili ng gamot. Para sa kanila, ang serbisyong ito ay higit pa sa simpleng konsultasyon — ito ay malaking tulong sa pang-araw-araw na pangangailangan.
“Hindi lang ito tungkol sa pagbibigay ng tulong — para sa amin, ito ay isang responsibilidad. Tinanggap kami ng mga taga-San Manuel, Pangasinan at nais naming maramdaman nila ang Aboitiz Renewables ay ka-partner nila sa mga gawaing pangkaunlaran tulad ng sa kalusugan, edukasyon, at kabuhayan,” sabi ni Leo D. Lungay, Vice President at General Manager ng Solar and Wind Operations ng Aboitiz Renewables.
Ang Aboitiz Renewables ay nagpapatakbo ng 92.55-megawatt-peak solar power plant sa San Manuel. Kasabay ng pagbibigay ng malinis na enerhiya, nananatili itong aktibong partner sa pagpapaunlad ng mga komunidad na bahagi ng kanilang operasyon.


