Camp BGen Vicente P Lim — Matagumpay na nalambat ng Police Regional Office CALABARZON ang 43 wanted persons mula sa 41 malawakang operasyon sa buong rehiyon noong Agosto 1.
Sa nasabing bilang, 13 ay Most Wanted Persons (MWP), na kinabibilangan ng 7 sa Regional Level, 5 sa Provincial Level, at 1 sa Municipal Level.
Samantala, 30 ang Other Wanted Persons (OWP) na may kinahaharap ding mabibigat na kaso.
Ang mga operasyong ito ay bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa kriminalidad sa ilalim ng pamumuno ni Regional Director, PBGen.Jack L. Wanky.
Kabilang sa mga naaresto si alias “Ariel,” isang Regional Level Most Wanted Person, na nadakip ng Warrant Operatives/Tracker Team ng San Pedro Component City Police Station (CCPS) sa Brgy. Poblacion, San Pedro City, Laguna sa kasong Rape.
Naaresto rin si alias “Alvin,” isang Regional Level Most Wanted Person, sa Brgy. Parian, Calamba City, Laguna,sa pamamagitan ng operasyon ng Tracker Team ng Calamba CCPS, sa kasong Statutory Rape (2 counts).
Nadakip naman sa Los Baños, Laguna si alias “Ricardo,” isang Regional Level Most Wanted Person, sa pamamagitan ng pinagsanib na pwersa ng RMFB 4A – 402nd A Maneuver Company at Tracker Team ng Los Baños Municipal Police Station (MPS), na may kasong paglabag sa RA 9165 (Cultivation or Culture of Plants Classified as Dangerous Drugs, Article II Section 16 of RA 9165).
Sa Visayas, naaresto si alias “Andres,” Rank #7 Regional Level Most Wanted Person, may kasong Murder sa Brgy. Concepcion, Gandara, Samar, sa pamamagitan ng operatiba ng CIDG Western Samar, katuwang ang Taytay MPS Warrant Tracker Team at RIU 4A PIT Rizal.
Naaresto rin si alias “Jayson,” isang Regional Level Most Wanted Person sa Sitio Maligaya, Brgy. San Isidro, Antipolo City, Rizal, sa bisa ng warrant para sa kasong Murder.
Samantala, madaling araw ng Agosto 1, naaresto si alias “Nica,” Rank #5 Regional Level Most Wanted Person, sa Brgy. San Isidro, Subic, Zambales, na may kasong Murder.
Lahat ng operasyon ay isinagawa nang alinsunod sa batas, at dokumentado gamit ang Alternative Recording Devices (ARDs), alinsunod sa standard operating procedures ng PNP. Ang mga naarestong suspek ay nasa kustodiya ng mga istasyong nagsagawa ng operasyon, at ang kani-kanilang mga warrant ay isusumite sa korte ng pinagmulan para sa pormal na disposisyon.
Ayon kay PBGen Wanky, “Ang mga pag-arestong ito ay patunay ng walang humpay naming determinasyon na sugpuin ang kriminalidad. Walang ligtas na lugar para sa mga kriminal sa CALABARZON.” Nanawagan din siya sa publiko na patuloy na makipagtulungan sa kapulisan sa pamamagitan ng maagap na pag-uulat ng presensya ng mga pinaghahanap ng batas. “Sama-sama nating panatilihin ang katahimikan, kaayusan, at seguridad ng ating rehiyon,” dagdag ni RD Wanky. (RPIO4A)


