Street Journal Multimedia Services

2nd Batch ng AboitizPower-JERA nagtapos ng BOMP

By Danny Estacio

 

LIMA, Batangas – Binigyang-pugay ng Global Technical Center of Excellence (GTCOE), isang training facility na inilunsad ng Aboitiz Power Corporation (AboitizPower) at JERA Co., Inc. (JERA), ang ikalawang batch ng mga nagtapos sa Basic Operations and Maintenance Program, na binubuo ng 17 technical professionals, kabilang ang batch valedictorian na si Nathalie Abdon.

Ang programa na may adhikaing tulungang  punan ang agwat sa pagitan ng teorya sa aklat at ng aktuwal na kalagayan sa industriya, sa pamamagitan ng paghahanda sa mga inhinyero mula sa “steady-state” na akademikong modelo patungo sa “non-linear” at mataas na responsibilidad na kapaligiran ng operasyon ng power plant.

“Sa paaralan, malinaw at maayos ang mga kundisyong nilulutas namin, ngunit sa planta, hindi linear ang sistema,” paliwanag ni Abdon. “Natutunan ko na kailangan kong lumipat mula sa pag-aaral para lamang makaunawa tungo sa pag-aaral na may pananagutan. Ang mga desisyon sa totoong mundo ay may tunay na epekto, at ang pagbabagong ito ang nagpatibay sa aking pagiging mas sinadya at responsable.”

Sa valedictory message, binigyang-diin ni Abdon ang kahalagahan ng katatagan at ng representasyon sa sektor ng enerhiya. Siya ang unang babaeng inhinyero sa kanilang pamilya.

“Sa paglalakbay na ito, napagtanto ko na ang tunay na koneksyon ay maaaring mabuo sa kabila ng pagkakaiba,” dagdag pa niya.

“Ang pagkakaroon ng ibang pananaw na nagpapahalaga sa pagkalinga, malasakit, katumpakan, at layunin sa bawat teknikal na hamon na aking haharapin. Mula sa paglutas ng mga equation, ang aking paglalakbay ay ngayo’y bahagi na ng progresibong pag-unlad para sa isang mas matatag na Pilipinas.”

Para kay Abdon, ang pagsali sa Therma Luzon, Inc. ng AboitizPower ay katuparan ng kanyang panghabambuhay na kuryosidad. Lumaki sa Quezon, madalas niyang tinitingnan ang mataas na chimney ng kalapit na planta, na napagkakamalan niyang parola.

Si Abdon at ang kanyang mga kasamahan ay sinanay batay sa Limang Haligi ng GTCOE: Kaligtasan, Husay Teknikal, Kakayahang Umangkop, Pakikipagtulungan, at Komunikasyon.

Tinitiyak ng kurikulum na ang mga nagtapos ay may aktuwal na karanasan sa control room at paggamit ng mga high-capacity na kagamitan.

Kahit sa panahon ng Artificial Intelligence (AI), hindi nalilimutan ni Abdon ang mga pangunahing prinsipyo ng kanyang propesyon. “Bagaman kayang i-optimize ng AI ang mga sistema, dapat itong gabayan ng matibay na mga engineering principles gaya ng thermodynamics at physics,” saad niya. “Tungkulin naming itaguyod ang kaligtasan at integridad ng operasyon sa bawat desisyon.”

Ayon naman kay GTCOE Director Engr. Mayshelle Rosario, ang mga prinsipyong ito ang nagtutulak sa misyon ng training facility, at sinabing ang kahusayan ng tao ang siyang tunay na nagtutulak sa pagkakaroon ng business excellence.

Si Hideaki Oana, Chief Technical Officer ng JERA Philippines, ay nagbahagi ng parehong pananaw, at pinuri ang mga nagtapos bilang mga lider na kayang gawing konkretong solusyon ang teknolohiya.

 

 

 

 

 

 

Scroll to Top