TUGUEGARAO CITY, Philippines — Mahigit 2,200 bamboo propagules ang sabayang itinanim ng Provincial Natural Resources and Environment Office (PNREO) sa isinagawang tree growing activity sa bayan ng Solana, Tuao, at Lungsod ng Tuguegarao, noong Agosto 29.
Katuwang ng PNREO ang mga benepisyaryo ng I Love Cagayan River Movement Cash-for-Work Livelihood Program na nagtanim sa mga pampang ng Ilog Cagayan at mga tributaryo nito.
Nakiisa rito ang mga residente at benepisyaryo mula sa mga barangay Andarayan Norte, Andarayan Sur, Natapian West, Natapian East, at Calamagui sa Solana; Fugu at Alabiao sa Tuao; at Linao sa Tuguegarao City.
Layon ng programa na magbigay ng kabuhayan sa mga benepisyaryo kapalit ng pagtatanim at pangangalaga ng kawayan, kasabay ng pagpapatupad ng adbokasiya ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan para sa pangangalaga ng kalikasan upang maibsan ang nararanasang pagbaha sa probinsya. (Rachell Galamay)


