Street Journal Multimedia Services

2 piloto ng training aircraft na bumagsak sa Benguet, namatay

BAGUIO CITY — Kinumpirma ng Philippine Air Force ang pagkamatay ng dalawang piloto habang ginagamot sa ospital bandang alas-4:00 ng hapon, matapos bumagsak ang fixed-wing training aircraft na kanilang pinalipad sa isang masukal na kagubatan sa Mount Cabuyao, Barangay Poblacion, bayan ng Tuba, noong Mayo 20.

Ayon sa PAF, bumagsak ang PAF SF260 trainer aircraft sa Mt. Cabuyao, Tuba, Benguet bandang alas-10:20 ng umaga habang nasa isang mahabang navigation training flight ng Military Pilot Training (MPT).

Natagpuang walang malay ang dalawang piloto ng mga rescuer at agad na isinugod sa ospital.

Ang nasabing aircraft, na sakay ang dalawang biktima, ay isa sa labing-isang aircraft na umalis mula sa Basilio Fernando Air Base sa Lipa City, Batangas. Ang huling lokasyon nito na minomonitor ay naiulat na nasa layong dalawang nautical miles hilagang-kanluran ng Loakan Airport sa Baguio City bago nawalan ng kontak.

Sa isang post sa social media, ipinahayag ng PAF ang taos-pusong pakikiramay sa mga pamilya ng mga biktima at tiniyak sa kanila ang buong suporta sa mahirap na panahong ito.

Scroll to Top