Bumisita sa Pamahalaang Panlalawigan ang mga kinatawan mula sa UNICEF Council for the Welfare of Children, at Social Watch Philippines upang makipagpulong kay Governor Doktora Helen Tan, noong Pebrero 3.
Layunin ng pagpupulong na ipakilala sa lalawigan ng Quezon ang Enhanced Child Budget Tagging Tool (CBTT), na ayon sa UNICEF ay magagamit sa pagpapalakas ng public financial management for children at makatutulong sa monitoring at tamang alokasyon ng pondo at programa para sa kapakinabangan ng mga kabataan gaya ng programa sa edukasyon, kalusugan, nutrisyon, social welfare and protection, at child participation.
Pinaunlakan ni Governor Tan ang nasabing pagbisita at tiniyak na natututukan ng Pamahalaang Panlalawigan ang mga proyekto na mapapakinabangan ng mga kabataan, tulad ng mga programa sa edukasyon at social assistance na kinakailangan ng bawat Quezonian.
Dagdag pa rito, siniguro ng Gobernadora na bukas ang tanggapan sa kolaborasyon mula sa iba’t ibang organisasyon na nagnanais na makipagtulungan para sa kabutihan ng mga kabataan.
Samantala, dumalo rin sa pagpupulong sina DILG Provincial Director Abigail Andres, Provincial Administrator Manny Butardo, Executive Assistant John Francis Luzano, at ilan pang mga pinuno ng tanggapan mula sa pamahalaang panlalawigan.