By Rachell Galamay
Inihayag ng Department of Health- Cagayan Valley Center for Health Development (DOH-CVCHD) na walang travel history ang naitalang unang kaso ng Mpox(monkeypox) sa Rehiyon Dos.
Sa naging pahayag ni DOH Regional Director Amelita Pangilinan sa ginanap na Press Conference ngayong Martes, Setyembre 11, sinabi nitong walang travel history sa labas ng bansa o sa ibang lugar ang pasyente at locally transmitted ang sakit nito.
Ayon kay Pangilinan, kusa umanong nagpunta sa pagamutan ang naturang pasyente upang ipakonsulta ang tumubong tila singaw malapit sa kanyang bibig at dito na nakita ang mga sintomas na kapareho ng sintomas na mayroon ang Mpox.
Tumanggi namang magbigay ng pagkakakilanlan at karagdagang impormasyon ang kagawaran ukol sa naitalang unang kaso ng Mpox gaya ng pangalan, edad at tirahan nito, ayon sa ahensiya ito ay dahil sa sumusunod lamang sila sa batas na nakasaad sa Data Privacy Act of 2012, ngunit tiniyak naman ng ahensiya na patuloy ang ginagawang monitoring at health preventive measures sa naturang pasyente.
Kaugnay rito, siniguro naman ng DOH na nakatutok at kumikilos na ang mga healthcare workers kasama ang grupo ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU) sa pagsasagawa ng contact tracing, close monitoring at preventive measures sa mga nakasalamuha ng unang kaso ng Mpox.
Bagama’t hindi tinukoy ang pagkakakilanlanlan ng pasyente, tiniyak naman ng ahensiya na sapat ang mga kagamitan sa mga ospital at handa ang bawat establisyimentong gagamitin sa oras ng pangangailangan, bukod dito ay naabisuhan na rin ang mga Local Government Units (LGUs), Rural Health Units (RHUs) at ospital tungkol sa mga dapat na ibabang impormasyon tungkol sa mpox na itinuturing na public health emergency of international concern (PHEIC).
Ibinahagi pa ng kagawaran na kanilang ipinagpapatuloy ang best practices na isinagawa noong kasagsagan ng pandemiya na Prevention, Detection, Isolation, Treatment at Reintegration o PDITR sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa lalo na sa lalawigan.
Maliban dito, hinikayat din ahensiya na kung mayroong nararamdamang sintomas na posibleng kahalintulad ng sintomas din Mpox gaya ng pagkakaroon ng butlig, lagnat, pananakit ng ulo, pamamaga ng lalamunan, pagkakaroon ng skin rash at pananakit ng katawan ay agad na magtungo sa pinakamalapit na pagamutan at huwag mahihiyang ipagbigay alam sa awtoridad ang kalagayan.
Iwasan din umano ang close contact sa mga taong may sintomas ng Mpox gaya na lamang ng pakikipagbeso, pakikipagyakap, at paggamit sa mga kagamitan ng pasyente.