Street Journal Multimedia Services

Tourism Redevelopment sa Sorsogon

SORSOGON, Philippines — Tinapos ni Governor Boboy Hamor ang kanyang pagbisita sa mga bayan ng Prieto Diaz at Bulusan, hudyat ng pagkumpleto sa anim na bayan na nakatakdang sumailalim sa malawakang tourism redevelopment ng Pamahalaang Panlalawigan ng Sorsogon, noong Agosto 30.

Tulad ng nakasanayan sa kanyang mga naunang pagbisita, personal na ipinaabot ng gobernador ang mensahe ng probinsya hinggil sa inisyatibang ito na layong higit pang pasiglahin at patatagin ang industriya ng turismo sa Sorsogon.

Ang anim na bayan ay kabilang sa prayoridad ng kapitolyo na baguhin at paunlarin bilang mga pangunahing destinasyon para sa mga lokal at dayuhang turista.

Binigyang diin ni Governor Boboy na sa oras na magsimula ang implementasyon ng proyekto, titiyakin niyang susunod sa lahat ng umiiral na panuntunan at regulasyon ang pamahalaang panlalawigan upang maging maayos, makatarungan, at kapaki-pakinabang ang mga gawain.

Kasabay nito, taos-pusong nagpasalamat ang gobernador sa mga lokal na opisyal ng bawat bayan na kanyang binisita, partikular na sa kanilang buong suporta at pakikiisa sa adhikain ng probinsya para sa mas maliwanag na kinabukasan ng sektor ng turismo dito sa Lalawigan ng Sorsogon

 

 

 

 

 

 

 

 

Scroll to Top